MANILA, Philippines — Upang mapabilis ang imbestigasyon ng Ombudsman sa ilang pang kasong kinakaharap ni Philippine National Police Chief Director- General Alan Purisima, ayon kay Department of Justice Secretary Leila de Lima, handang tumulong sa imbestigasyon ang National Bureau of Investigasyon.
Bumuo ng special panel ang Office of the Ombudsman upang imbestigahan ang ilan sa mga reklamong inihain ng fact finding investigation bureau laban kay PNP Chief Alan Purisima.
Maliban sa reklamong plunder, graft at indirect bribery na inihain sa Ombudsman ng Coalition of Filipino Consumers at VACC o -Volunteers Against Crime and Corrruption laban kay Purisima, nahaharap din ang PNP chief sa reklamong gross negligence of duty at grave misconduct and service dishonesty.
Kaugnay ito ng pagpasok sa isang kontrata ng PNP sa Werfast Courier Service na nagdedeliver ng mga na-lisensyanan na mga baril noong 2011.
Ayon sa report ng fact finding investigation bureau ng Ombudsman, binulsa umano nila Purisima at ng ilang PNP officials ang perang ibinayad sa delivery ng lisensiya ng mga may-ari ng baril.
Sumisingil ang Werfast ng 190 pesos na delivery charge sa Metro Manila at 290 pesos kapag sa labas ng Metro Manila.
Napag-alaman na hindi accredited ang Werfast upang magdeliver ng mga lisensya ng baril at hindi rin ito nagbabayad ng tax.
Sa ngayon, nasa preliminary investigation na ng Office of the Ombudsman ang mga reklamo laban kay Purisima. Kung makitaan ng probable cause ang mga reklamong ito, saka palang ito masasampahan ng kaso sa Sandiganbayan. (JOYCE BALANCIO / UNTV News)