ALBAY, Philippines — Mag-iisang buwan nang nananatili sa mga evacuation center ang mga residente sa Albay matapos itaas sa alert level 3 ang Bulkang Mayon.
Tinatayang umabot na sa 12,813 pamilya o 54,633 katao ang kasalukuyang nasa 46 evacuation mula sa 39 barangays na nakatira sa paligid ng Mayon.
Ang mga ito ay nakatira sa mga lugar na sakop ng extended 10-kilometer permanent danger zone na inilikas mula nang mag-alburoto ang bulkan.
Ngunit may mangilan-ngilan na mas pinili pa ang manatili sa kanilang tirahan sa kabila ng panganib ng pagputok ng Bulkang Mayon.
Kabilang dito ang ilang residente sa anim na barangay sa Legazpi City na sakop ng extended danger zone.
Katwiran ng mga ito, hindi pa puputok ang bulkan dahil hindi pa nila nakikita ang mga palatandaan na kanilang natutuhan sa kanilang mga ninuno.
Isa rito ay si Aling Salome na ang hanapbuhay ay pagggagayat ng dahon ng gabi . Ayon sa kanya kailangan muna niyang makita ang palatandaan na itinuro ng kanyang mga ninuno bago siya lumikas.
Kailangan daw munang bumaba sa kabundukan ang mga hayop tulad ng mga ahas at ibon sa kapatagan dahil takot din ang mga ito kapag pumuputok ang bulkan.
“Sa mga sabi po sa amin ng mga ninuno namin, since daw 1814, yun daw sa isang kislap ng mata nandoon na sa dagat ang lahar. Kaya yung mga sinsasabi ng mga ninuno namin na talagang ganyan yang bukid na yan. Kaya lagi naman kaming naka-alerto.”
Maging ang punong ehekutibo ng lungsod ng Legazpi, ganoon din ang katwirang kanyang naririnig sa mga residente na hinihikayat niyang lumikas.
Salaysay ni Mayor Noel Rosal, “Tinatanong ko sila, pumupunta ako doon palagi. ‘Oh, Manang, kumusta na tayo? Ano evacuate na tayo? Wag muna Mayor. Bakit? Wala pa. Sa eksperyensya namin palagi yan. Base ito sa kwento ng Mayon. Hindi kami pababayaan niyan. At saka ang Mayon, may mga signs yan na hindi pa namin nakikita.’ — Yan ang allegedly sabi nila”.
Ayon sa PHIVOLCS, hirap na rin silang ibahin ang mga paniniwalang ito ng mga matatandang Albayano.
Magkaganun pa man, mas mainam pa rin umano ang maagang paglilikas o paghahanda para kung sakali ay hindi mauwi sa sisihan at turuan. (ALLAN MANANSALA / UNTV News)