MANILA, Philippines – Tuloy ang ginagawang pagtukoy ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kinaroroonan nina Jerry Limlingan at Laureano Gregorio Junior, ang mga umano’y dummy ni Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay Justice Secretary Leila De Lima, hindi pa nakalalabas ng bansa sina Limlingan at Gregorio base sa records ng Bureau of Immigration (BI).
Sa ngayon ayon sa kalihim ay hindi pa naman kailangan na ilagay sa lookout bulletin ang dalawa.
“As of this very moment based on data base it appears that Mr. Limlingan is still in the country and even si Gregorio Laureano,” anang kalihim.
Dagdag pa nito, “Kung halimbawa ay meron na kaming significant na naba-validate we can consider already issuance of LBOs sa mga personalities concerned.”
Patuloy din umanong minomonitor ng ahensiya ang iba pang personalidad na kasama sa testimonya ni dating Makati City Vice Mayor Ernesto Mercado.
Si Limlingan ang sinasabing dummy ni Binay sa Omni Security Investigation Agency na nakakuha ng milyun-milyong pisong kontrata sa security services sa Makati City at PAG-IBIG Fund.
Sinasabing siya rin ang finance officer at bagman ni Binay, habang si Gregorio naman ang umano’y nagbenta kay Antonio Tiu ng farm sa Rosario, Batangas na sinasabing pag-aari ng mga Binay.
Hiniling ng Senate Blue Ribbon Subcommittee ang tulong ng NBI sa pagtunton kina Limlingan at Gregorio upang padaluhin ito sa pagdinig sa Senado kaugnay ng mga alegasyon laban kay Binay. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)