MANILA, Philippines – Walang pakialam si Pangulong Benigno Aquino III sa ginagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee partikular na sa umano’y overpriced Makati City Hall parking building 2 na kinasangkutan ni Vice President Jejomar Binay.
Reaksyon ito ng Malacañang sa pahayag ni Senator Koko Pimentel, chairman ng Senate Blue Ribbon Sub-committee.
Sinabi ni Senator Pimentel na hindi dapat nakikialam si Pangulong Aquino sa isinasagawang pagdinig kay VP Binay.
Dagdag pa ng senador, hindi dapat ang senado ang kaniyang kinakausap upang bigyan ng deadline ang Senate probe at sa halip ay ang Department of Justice (DOJ) na kanyang nasasakupan.
Nagsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang DOJ sa bise presidente.
Nilinaw naman ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na alam ng Pangulo ang papel ng senado dahil naging senador din ito.
“The Senate is the co-equal body and alam ng pangulo galing din siya sa Senado at alam niya yung pamamaraan ng ating mga senador.”
Una nang inamin ni Senate President Franklin Drilon na kinausap siya ng pangulo tungkol sa hiling ni Binay na ihinto ang imbestigasyon ng senado, ngunit wala aniya syang kapangyarihan na ipatigil ito batay sa regulasyon ng senado.
Pero giit ni Valte, walang masama sa ginawang hakbang na ito ng Pangulo.
“Let’s draw the distinction between pressure being asking to do something and merely being a conduit to relay a message,” saad nito. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)