UNTV GEOWEATHER CENTER (11am, 12/04/14) – Itinaas na ng PAGASA ang signal number 1 sa mga lugar sa Visayas partikular sa Northern Samar, Eastern Samar,Samar, Biliran, Leyte at Southen Leyte.
Sa sakop naman ng Mindanao ay signal number 1 sa Surigao del Norte kasama ang Siargao island, Surigao del Sur at Dinagat.
Sa loob ng 36hrs ay mararanasan sa mga lugar ang 30-60kph na lakas ng hangin.
Posible itong makabali ng mga sanga ng puno, makasira ng mga pananim, maaari rin itong bahagyang makapinsala ng mga bubong ng bahay na gawa sa pawid o light materials at mapanganib na ring pumalaot sa bagbayin dahil sa taas ng pagalon.
LUMAKAS PA SUBALIT BUMAGAL
Kaninang 10am ay namataan ng PAGASA ang bagyong “Ruby” sa layong 860km sa Silangan ng Surigao City taglay ang lakas ng hangin na 195kph at pagbugso na aabot sa 230kph.
Sa ngayon ay hindi nagkakalayo ang lakas ni Ruby sa lakas ni Pablo na nanalasa sa Davao noong Disyembre 2012.
Maraming mga puno ng niyog ang ibinuwal sa mga dinaanan ni Pablo dahil sa taglay nitong lakas ng hangin na 185kph at pagbugso na aabot sa 220kph.
Bumagal ang pagkilos nito na ngayon ay 20kph na lamang sa direksyong West Northwest.
Ayon sa weather agency, sa Dec 6, Sabado ng umaga ay posibleng mag-landfall o tumama ito sa Eastern Samar.
Unang maaapektuhan ay ang Eastern Visayas, Bicol at Surigao Provinces.
Maaari itong magdulot ng storm surge na aabot sa 3-4 na metro sa mga baybayin ng Samar, Bicol at Surigao Provinces.
Sa ngayon ay mararamdaman na ang matataas na mga pagalon sa Silangang baybayin ng Central at Southern Luzon, buong baybayin ng Visayas at mga Silangang baybayin ng Northern at Eastern Mindanao.
MGA LUGAR NA DADAANAN
Tinatayang labis na maaapektuhan ng bagyo kung hindi ito magbabago ng direksyon ay ang mga lalawigan na sakop ng 100km radius na dadaanan.
Ito ang Aklan, Albay, Antique, Biliran, Capiz, Cebu, Eastern Samar, Iloilo, Leyte, Marinduque, Masbate, Northern Samar, Occidental Mindoro, Palawan, Quezon, Romblon, Samar at Sorsogon.
Posibleng magdulot ang bagyo ng grabeng pinsala sa agrikultura, bumunot ng puno, magwasak ng mga bahay na gawa sa light materials at makasira din ng linya ng kuryente at komunikasyon.
Maaari namang daanan ng 200km radius ng bagyo ang Batangas, Bohol, Camarines Norte/Sur, Catanduanes, Cavite, Guimaras, Laguna, Metro Manila, Negros Occindental/Oriental, Southern Leyte, Surigao del Norte at Rizal.
Posibleng makaranas ng katamtamang pagkasira sa agrikultura at makasira ng mga bahay.
Sakop naman ng 300km radius ng posibleng daanan ng bagyo ang Agusan del Norte/Sur, Aurora, Bataan, Bulacan, Camiguin, Laguna, Nueva Ecija, Pampanga, Surigao del Sur, Tarlac at Zambales.
Maaaring magdulot sa mga nabanggit na lugar ng pangkabali ng mga sanga o magpatagilid ng mga puno at bahagyang makasira ng mga bahay na gawa sa light materials.
Posible ring maapektuhan ang mga pananim na kasalukuyang namumunga. (Rey Pelayo/ UNTV News)
END