Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Supply ng kuryente sa mga lugar na direktang maaapektuhan ng bagyo, pansamantalang puputulin

$
0
0

FILE PHOTO: Isang ginang na naghahanda ng hapagkainan na iniilawan lamang ng mga kandila dahil sa brown out bunga ng pananalasa ng bagyong Glenda nito lamang buwan ng Hulyo ng taong kasalukuyan. (PRINCE MARQUEZ / Photoville International)

MANILA, Philippines – Isang advisory ang inilabas ng National Electrification Administration (NEA) na naguutos sa lahat ng mga electric cooperative na kung maaari ay putulin muna ang supply ng kuryente sa mga lugar na direktang maapektuhan ng Bagyong Ruby.

Subalit, bago putulin ang supply ng kuryente ay kailangan munang makipag-ugnayan ng mga electric cooperative sa lokal na pamahalaan at sa National Grid Corporation upang hindi ito pagmulan ng problema.

Ayon kay NEA Public Affairs Office Director Judith Alferez, kung nakalampas na ang bagyo ay kailangang maibalik agad ang supply ng kuryente maliban na lamang sa mga lugar na lubhang naapektuhan.

“Incase na makita nilang tatamaan yung area na yun i-shut off nila, but it’s temporary, pero once the typhoon ay umalis na, ang unang gagawin ay i-restore yung mga areas na hindi naman affected ba na i-shut off yung power,” saad nito.

Sa tala ng NEA, mayroong 76 electric cooperatives ang posibleng maaapektuhan ng bagyo mula sa 53 probinsya.

Nakahanda na rin ang pondo na gagamitin upang ipautang sa mga electric cooperative sakaling kailanganin nila sa pagpapakumpuni ng mga linyang mapipinsala ng bagyo.

Pinakiusapan lamang ng NEA sa mga kooperatiba na gumawa agad ng assessment report upang madaling makuha ang request na pondo.

Noong nakaraang taon nang manalasa ang Bagyong Yolanda ay naglabas ng halos apat na bilyong piso ang NEA upang gamitin ng mga electric cooperative sa kanilang napinsalang kagamitan.

Makikipag-ugnayan naman ang NEA sa DENR para sa pagbuo ng kasunduan hinggil sa pagpuputol ng mga puno na nakakasagabal sa mga linya ng kuryente.

Ngayong araw ay nakatakda nang simulan ng ilang kooperatiba na magputol ng supply ng kuryente lalo na sa ilang lugar sa Visayas at Bicol area.

Samantala, nakahanda na rin ang MERALCO sa posibleng pagtama ng bagyo sa mga franchise area na sakop nito.

Nakiusap naman si MERALCO Spokesperson Joe Zaldarriaga sa MMDA na tiklupin na muna ang mga billboard lalo na ang mga malapit sa linya ng kuryente upang makaiwas sa sakuna.

“Yung mga billboard na bumabagsak sa mga linya natin nagiging sanhi ng outage yan or worst case ay severe damage ng mga facilities natin.”

Pinaalalahan rin ng MERALCO lalo na ang mga consumer nito na nakatira sa mga binabahang lugar na sila na ang magkusang magpatay ng switch sa kanilang mga tahanan upang maiwasan ang sakuna. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481