MANILA, Philippines – Hindi inaasahan ng baguhang kompositor na tubong Cavite na si Benedict Sy ang pagkapili sa kanyang obra bilang “song of the month” ngayong Disyembre sa A Song of Praise Music Festival (ASOP), Linggo ng gabi.
Ang kanyang komposisyon na “Walang Hanggan” ay pasok na sa grand finals ng ASOP sa susunod na taon.
Nagkataon na kapwa power ballad kasi ang nakatunggali ng kanyang awit.
Ayon kay Benedict, “Hindi ko po talaga ine-expect na tatawagin ‘yung pangalan ko kasi malulupit ‘yung kalaban eh. Talagang magagaling talaga sila tsaka putok litid ‘yung mga kanta nila eh. Talagang pang-praise song talaga.”
“Sobrang everyday ko siya pinapakinggan. Para ko na siyang prayer. So ang nangyari parang binigay talaga siya ni God na nag-meet kami, ako ‘yung nag-interpret… God is really amazing,” saad naman ni Daryl.
Mas nakitaan ng potensyal na maging hit song ang “Walang Hanggan” ng mga huradong sina OPM icon Pat Castillo, singer/composer Rannie Raymundo at Doctor Musiko Mon Del Rosario kumpara sa power ballad genre na “Dakila Ka Ama” ni Ella Mae Septimo na inawit ni Ruth Regine Reyno, at “Sino Pa” ni Mart Ilagan na inawit naman ni Cath Loria. (Adjes Carreon / Ruth Navales, UNTV News)