CALOOCAN CITY, Philippines – Nakahandusay pa sa kalsada at duguan ang isang lalake nangdatnan ng UNTV News and Rescue Team sa A. Mabini St., Caloocan City matapos sumalpok sa kasalubong na jeep ang minamaneho nitong motorsiklo na may plate number OP 7187.
Agad nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue Team at ng Caloocan Rescue Unit ang sugatang biktima.
Kapwa binabaybay ng dalawang sasakyan ang kahabaan ng A. Mabini St.
Ngunit ayon sa mga nakasaksi, hindi nakatingin sa dinadaanan ang driver ng motorsiklo kundi nakatitig sa mga nagkakasiyahan sa gilid ng kalsada kaya ito bumangga sa jeep na may plakang TWT 515.
“Lumingon siya rito eh so hindi niya napansin na gumitna na to pagsalpok nila gitna silang ganun gitnang gitna siya paglapit namin,” pahayag ni Michael Enriquez, saksi.
Sa kwento naman ng driver ng jeep na si Emmanuel Alcantara, malayo pa ay binubusinahan na niya ang kasalubong na motorsiklo at nakailaw naman ang kaniyang headlight.
“Naka-headlight ako, naka-bright tapos naka-hazard ako tapos ngayon namatay ngayon hindi niya ako napapansin talaga. Kita mo nakalinya ako,” paliwanag nito.
Matapos malapatan ng first aid ay dinala na sa Caloocan City Medical Center ang motorcycle rider na nakilalang si Rupinder Singh.
Nagtamo ng sugat sa ulo at gasgas sa paa ang naaksidenteng motorista.
Subalit tila lango ito sa alak at hindi pa makausap ng maayos ng mga awtoridad.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)