MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ni Bureau of Plant Industry (BPI) Director Clarito Barron na may kinalaman siya o ang ahensya sa garlic cartel.
Sa isang panayam, sinagot ni Barron ang mga alegasyon laban sa kanya at sinabing nagkamali ang Department of Justice (DOJ) at ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagdawit sa kanyang pangalan sa isyu ng garlic cartel.
Tanging pagbibigay lamang umano ng plant quarantine clearance o import permit ang trabaho ng kanilang ahensya at hindi ang pag-regulate ng presyo ng commodity.
“Kung ang presyo ng bawang ay sadyang tumaas, ito po ay wala sa aming control,” ani Barron.
Dagdag nito, “Ang BPI po ay walang regulatory power pagdating sa presyuhan ng mga bawang sa merkado. Ito po ay nasa poder ng ibang ahensya gaya ng DTI.
Itinanggi din ni Barron na nakipagsabwatan siya sa piling mga negosyante upang mapakinabangan ang pagtaas ng presyo ng bawang.
Pinabulaanan rin nito ang sinabi ni Lilibeth Valenzuela na tumanggap siya ng P240,000 noong 2004 upang magbigay ng import clearance para sa apat na piling kumpanya.
Hindi rin umano totoo na humihingi siya ng blessing o pahintulot kay Secretary Proceso Alcala sa pagbibigay ng permit sa mga ito.
“Natural kung kagaya ni Ms. Valenzua na di naman rehistradong importer at broker lamang na involve sa smuggling, di talaga siya dapat bigyan ng import permit sa bawang. Kaya nga ho hindi po kailangan na humingi pa ng blessing sa ating kagalang-galang na Secretary Alcala para makuha ang permit,” giit nto.
Sa kabila ng pagtatanggi ni Barron sa mga alegasyon laban sa kanya, hindi naman ito nagkomento sa posibleng dahilan ng pagtaas ng presyo ng bawang noong nakaraang taon. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)