Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Coconut farmers, umapela sa pamahalaan na direkta nang ibigay sa kanila ang coco levy fund

$
0
0

IMAGE_JAN152015_UNTV-News_COCO-LEVY

MANILA, Philippines – Nasa isang daang raliyista ang nagprotesta sa Mendiola nitong Miyerkules upang manawagan sa pamahalaan na ang mga magniniyog ang dapat na makinabang at mabiyayaan ng coco levy fund.

Ayon kay Anakpawis Partylist Representative Fernando Hicap, hindi sila sang-ayon sa isinusulong na mga panukala sa kongreso, at ang pinaplanong executive order ng Malakanyang kung saan gagawing perpetual fund ang bilyun-bilyong pisong pondo.

“Pag perpetual funds ibig sabihin nananatili yung pondo sa kamay ng government at ang mga ahensya at ang gagamitin lamang ay yung percentage. At kung yung posyento o kita nito ang gagamitin lamang, hindi ito kakasya doon sa tunay na pangangailangan ng mga magsasaka sa niyugan,” giit nito.

Ayon kay Hicap, dapat gamitin sa pangangailangan ng lehitimong mga magniniyog ang pondo tulad ng social benefits, pension benefits, medical and hospitalization benefits, maternity benefits, educational assistance gaya ng scholarship at iba pa.

Ayon sa mambabatas, ito ang dapat na pangunahing paggamitan ng coco levy fund dahil ang pagpapaunlad sa coconut industry sa bansa ay mandato na ng Philippine Coconut Authority (PCA).

Tutol din ang grupo sa pagbuo ng Trust Fund Committee kung saan bahagi nito ang mga magsasaka.

Nais ng mambabatas na isang small coconut farmers council na lamang ang itatag kung saan ang 11 miyembro nito ay kabibilangan ng 7 magniniyog, 2 mula sa sektor ng kababaihang coco farmers at 2 mula sa mga non-government organization na may kaugnayan sa coconut industry.

Walang ilalagay na kinatawan mula sa pamahalaan upang hindi mapakialaman ang coco levy fund at magamit sa ibang proyekto.

“Nasa government yung control ng pondo. Papayagan ng presidente na ang mangasiwa yung nga department halimbawa yung NEDA, yung DAR, yung mangasiwa doon sa pondo eh itong mga departamentong ito mga sabwat ito yung NAPC ay bahagi doon sa daluyan nung mga anomalya nung mga PDAF project nung nga tiwaling congressman at senador at ito rin yung mga ahensyang pinagkunan nung DAP,” pahayag pa ni Hicap.

Magiging ex officio members lamang ang kinatawan ng Philippine Coconut Authority at PCGG.

“Ang inaasahan sana namin kung ito ay ibibigay nila dahil matagal nang wala sa amin iyan ay ibigay ng buo sa hanay ng mga magniniyog ang coco levy fund na hinihiling ng mga magsasaka,” saad naman ni Tony Pajalla, coordinator, CLAIM Quezon Province.

Bago matapos ang programa ay nagbiyak ng niyog ang mga raliyista na may mukha ni Pangulong Aquino bilang simbolo ng kanilang pagtutol sa umano’y pagmaneobra ng Malakanyang at mga kaalyado sa kongreso upang sila ang makinabang sa coco levy fund. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481