MANILA, Philippines – Ibinigay na ng Police Security Protection Group o PSPG ang kulang na allowance sa mga tauhan nito na nag-duty sa Papal visit noong nakaraang linggo.
Paliwanag ng budget officer ng PSPG na si P/Supt. Evangeline Martos, nagkaroon ng delay sa release ng allowance dahil na rin sa pakikipag-palit ng ilan nilang pulis ng duty sa kanilang mga kasamahan na wala sa masterlist.
“Kasi po ang nangyari iba yung order, kasi may hinugot-hugot at pinalit-palitan, kami rin di na namin alam kung sino rereleasan namin kaya nag-actual releasing kami kaya na-delay lang pero nag-initial kami.”
Batay sa tala ng PSPG, 546 na miyembro nila ang kasama sa order na nakatanggap lamang ng P700 sa halip na P2,400.
“Ngayon inidentify namin to fair and square na kung sino talaga, kung ikaw nag-duty ka & then we will release it, walang hidden po don,” pahayag pa ni Martos.
Una nang sinabi ng pamunuan ng PNP na ibigay man o hindi ang balanse ng allowance ng mga tauhan ng PSPG ay tuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon.
Kung mapatutunayan aniyang ibinulsa ang allowance na dapat ay para sa mga naghirap na pulis, tiniyak ng ng PNP na kasong administratibo ang kahaharapin ng mga nasa likod nito. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)