MANILA, Philippines – Dapat malaman ng mga kabataan ang kabayanihan ng mga nasawing PNP-SAF troopers upang makamit ang kapayapaan sa bansa ayon kay DepED Secretary Armin Luistro.
Kaya naman ituturo na ng mga guro sa kanilang mga estudyante ang ipinamalas na katapangan at kabayanihan ng 44 na miyembro ng PNP-SAF na nasawi sa pakikipaglaban sa mga rebelde sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
“Bayani sila kasi umalis sila sa kanilang mga barangay at pamilya hindi nila kinalimutan yung maliit na sweldo nila ibinabalik doon,” anang kalihim.
Isang tribute din ang isinagawa ng mga estudyante ng Commonwealth High School para sa mga nasawing PNP-SAF commandos.
Gumawa naman ng mga sulat, cards at tula ang mga mag-aaral bilang pagkilala sa sakripisyo ng PNP-SAF.
Ayon sa estudyanteng si Dyan Racel Moreño, sa simpleng paraan ay nais nilang maipaabot sa pamilya ng mga nasawing pulis ang kanilang pakikiramay at pagsaludo.
“We salute, honor and love them, they are an inspiration of the young people like me who dream and want to protect our beloved country,” saad ni Dyan.
Nagpasalamat naman ang pulisya sa DepED kasabay ng pakiusap na huwag sanang kalimutan ang kabayanihan ng kanilang mga kasamahan.
“Sana po sa kabayanihan na ipinakita ng mga SAF troopers ay maging mas maganda ang pagtingin ninyo sa aming mga pulis. Your police is doing everything to better serve and protect the community,” pahayag ni NCRPO chief Director Carmelo Valmoria. (Grace Casin / UNTV News)