Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Pilipinas, nananatiling bird flu-free — DOH

$
0
0

Department of Health acting Secretary Janet Garin (UNTV News)

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na nanatiling bird flu-free ang Pilipinas sa kabila ng pagkasawi ng isang Pilipino galing China na hinihinalang may bird flu.

Pebrero 9, 2015 nang umuwi sa bansa ang isang 52-anyos na lalaki mula sa China. Kinabukasan, Pebrero 10 nang magsimula itong ubuhin, nilagnat at nakaramdam ng pananakit ng tiyan na pawang mga sintomas ng bird flu.

Pebrero 11 nang magpakonsulta ang lalaki subalit lalo pang lumala ang kanyang kondisyon sa mga sumunod na araw.

Pebrero 14 nang mamatay ang pasyente.

Dahil nagmula ang pasyente sa China at sa mga nakitang sintomas dito, ikinokonsidera ng DOH na posibleng kaso ito ng avian flu o bird flu.

Agad na nagsagawa ng mga pagsusuri ang DOH upang makumpirma kung ito ay postibong kaso ng bird flu.

Ngunit batay sa inisyal na pagsusuri, lumalabas na nagkaroon ng pulmonary problem ang pasyente na siyang naging sanhi ng kamatayan nito.

Paliwanag ni acting Health Secretary Janet Garin, sa ngayon ay itinigil na ng DOH ang mga pagsusuri dahil na-cremate na ang labi ng naturang pasyente.

Aniya, “Possible case but we closed the case because it’s different to conclude, at wala po talagang direct link for avian flu.”

Siniguro rin ni Garin na walang dapat ikabahala ang publiko.

“His death actually stops all the possibility of transmission.”

“He has already been cremated, immediately nung namatay kagad sya, sinealed rin, tatlong seal, just to make sure and hindi namin ginalaw, humihingi kami ng kasiguraduhan sa Hong Kong,” pahayag pa ni Garin.

Iginiit ng DOH na nananatiling birds flu free ang Pilipinas.

Ang bird flu ay nagmumula sa virus ng trangkaso na kadalasa’y nakaaapekto sa mga manok at pato.

Nahahawa ang tao ng bird flu kapag ito ay nalanghap, o kapag nahawakan ang isang buhay na manok o pato na may virus.

Mabilis itong kumakalat sa katawan ng isang tao at pangunahing sinisira nito ang respiratory organ.

Muling umapela ang DOH sa mga OFW na uuwi sa bansa na ibigay ang mga tamang impormasyon sa pagsagot sa health declaration checklist upang maagapan ang sakit at mapigilan ang pagkalat nito. (Joan Nano / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481