MANILA, Philippines – Dumaan muna sa butas ng karayom ang Malacañang Patriots bago nakuha ang 79-76 victory sa defending champion na AFP Cavaliers upang lalo pang mapatibay ang paghawak sa liderato ng Group A sa record na 6-1 panalo-talo, sa second elimination round ng UNTV Cup 3 sa Ynares Sports Arena sa Pasig nitong Linggo.
Nalaglag naman ang Cavaliers sa kartang 4-3 panalo-talo.
“Tiwala sa isa’t isa at good defense,” pahayag ni Andro Requez, Malacañang Patriots.
Samantala, kapwa nagwagi ang Senate Defenders at PNP Responders kontra sa kani-kanilang mga katunggali.
Bahagya lamang pinawisan ang Defenders sa pagdispatsa sa BFP Fighters sa score na 85-60 para sa ikatlo nitong sunod na panalo at maitala ang record na 5-2 at nagbaon naman sa Fighters sa record na 1-7 panalo-talo.
Tinanghal na best player of the game si Legislative Staff Assistant Joe Andrew Garcia sa pamamagitan ng 11 points at 5 steals.
“Bilin ni coach step up kami, ngayon nga kulang kami kailangan naming pursigihin defense at offense namin,” ani Garcia ng Team Senate.
Kinailangan naman ng PNP Responders ang serbisyo ni PO3 Jay Mann Misola upang maitakas ang panalo kontra sa MMDA Blackwolves, 78-72.
Nagbuslo si Misola ng anim at 6 rebounds, 1 steal, 1 assist at 1 block shots.
Dahil sa panalo, mayroon na ngayong limang panalo at isang talo ang PNP, samantalang nalasap ng Black Wolves ang ika-limang kabiguan sa pito nitong laban.
“Marami kaming lapses dapat matuto kami sa mga lapses na yon sa conditioning dapat dagdagan pa namin,” ani Misola. (JP Ramirez / UNTV News)