MANILA, Philippines – Matapos ipatupad ng MRT at LRT ang taas pasahe, nanindigan ang Department of Transportation and Communications (DOTC) na tuloy rin ang pagpapatupad ng taas pasahe sa Philippine National Railways (PNR).
Ayon sa DOTC, mahigit dalawampung taon ng hindi nagtataas ng pasahe ang PNR kaya’t napapanahon ng ito ay ipatupad.
Subalit kahit magtaas ng pasahe ang PNR ngayong Abril, hindi pa rin ito sasapat sa laki ng gastos sa mga proyekto at rehabilitasyon sa mga tren at istasyon.
Kapansin-pansin na kulang ang mga pasilidad sa mga istasyon ng PNR, mga pinutol na kahoy lamang ang upuan at karamihan ng pasahero ay nakatayo habang naghihintay ng biyahe.
Hanggang ngayon ay manual pa rin ang ticketing system ng PNR kaya’t marami pa rin ang nakalulusot na hindi nagbabayad ng pasahe.
Kapag naipatupad ang fare hike, kikita ang PNR ng P116 million sa loob ng isang taon, mas mababa kumpara sa gastos ng PNR na aabot ng P167 million.
Batay sa board resolution ng PNR, ang aprubadong minimum fare ay tataas sa P15 mula sa dating P10, at ang pinakamataas naman ay magiging P60 mula sa dating P45.
Ayon sa pamunuan ng PNR, P27 sana ang dapat na minimum fare sa tren upang mabawi ang nalugi sa loob ng maraming taon, subalit ang sinisingil ay nasa P12 lamang kada kilometro.
Kung may natatanggap na sabsidiya ang PNR sa pamahalaan, nakalaan lamang ito sa mga proyekto at hindi sa operasyon, hindi gaya sa MRT na kasama sa sabsidiya ang pamasahe ng bawat pasahero.
Sa kabila nito, ang pasahe pa rin sa PNR ang siyang pinakamababa sa lahat ng uri ng mass transportation sa bansa.
“Gusto namin ipahatid sa mga mananakay na kami pa rin ang pinakamababang mass transport fare matrix na umiiral sa kasalukuyan kahit ma-implement namin ang fare increase,” pahayag ni PNR Consultant Antonio Soriano.
Hati naman ang pananaw ng mga mananakay.
Para kay Bernadette Bonseli, “Sa iba okey lang sa malalaking sweldo pero sa amin na maliliit lang sweldo, di po.”
“Payag ako kung maganda ang serbisyo,” saad naman ni Eleazar Peñones.
Tumutol naman ang grupong Riles Network at sinabing malaki na ang ibinaba ng diesel kaya hindi na lugi ang PNR.
“Ang railway talaga dapat itinuturing itong isang service hindi katanggap tanggap na gamitin ang terminong nalulugi kasi hindi dapat ang natural nyan ay business so hindi dapat ganun ang ginagamit ng gobyerno,” saad ni Samuel Malunes, convenor ng Riles Network.
Sa Huwebes ay magsasagawa ng public consultation ang PNR para sa taas pasahe.
Sa Setyembre naman ay nakatakdang uksan ng PNR ang Bicol Express na tatakbo mula Tutuban sa Maynila hanggang sa Peñafrancia sa Bicol. (Mon Jocson / UNTV News)