MANILA, Philippines — Bilang pagsuporta sa all-out peace campaign, inaprubahan kamakailan ng House of Representatives at ang Senate of the Philippines ang House Resolutions No. 1952 at Senate Resolution 1204 na nagdedeklara na ngayong March 6 ay ang National Day of Healing for Unity, All-out Peace and All-out Justice.
Ibat ibang peace groups ang nakiisa upang ipakita ang pagsuporta nila sa pagsulong sa Bangsamoro Basic Law upang maitaguyod ang kapayapaan para sa mga kababayan natin sa Mindanao at tutulan ang panawagan para sa all-out offensive operation laban sa BIFF.
Ilan dito ay ang Mindanao Peace Weavers, Friends of the Bangsamoro, Generation Peace Network, Mindanao Solidarity Network, Binhi ng Kapayapaan, Anak-Mindanao, Aksyon para sa Kapayapaan at Katarungan at Young Moro Professionals Network.
Isa si Ara Belleng na biktima ng karahasan sa Mindanao at nilisan ang tahanan doon, “Huwag po natin patayin iyong pag-asa ng mga moro para sa kapayapaan at progreso sa Mindanao.”
Hangad naman ni Presidential Adviser on the Peace Process na si Sec. Teresita Deles na maisulong ang tunay at pang-matagalang kapayapaan sa na naka-base sa katotohanan at katarungan.
“Iyong gusto kong i-continue to of course remember the sacrifice of those who have fallen and we know that that is on both sides of the conflict,” ani Deles.
Si former Vice President Teofisto Guingona Jr. ay dumalo sa peace campaign at nagbigay ng kaniyang mensahe, “Kailangan mapasa pero we have to improve sapagka’t maraming mistakes. It’s like a house being built, kailangan inspeksyunin muna.”
Dumating din sa peace campaign si former Senator Santanina Rasul at ilang miyembro ng PNP at Armed Forces of the Philippines.
Nagsisilbi din ang all-out peace campaign upang hingin ang pagkamit ng katarungan sa 44 na PNP SAF Commandos maging ang pagkamatay ng 18 MILF at mga sibilyan na nadamay kasama ang 8 taong gulang na namatay sa madugong engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao.
Nananawagan ang ating mga kababayang Moro na ikonsidera ng pamahalaan ang pagpasa sa Bangsamoro Basic Law at pakinggan ang boses ng mga kababayan natin sa Mindanao na ang hanap ay kapayapaan. (AIKO MIGUEL / UNTV News)