MANILA, Philippines – Nakalabas na ng ospital si Cavite Vice Governor Jolo Revilla matapos ang isang linggong gamutan.
Sabado nang muling sumailalim sa isang operasyon ang bise gobernador upang tanggalin ang tubo na nakakabit sa kaniyang dibdib.
Ayon sa tagapagsalita ng pamilya Revilla na si Attorney Raymond Fortun, bagama’t masakit pa rin ang sugat ng actor/politician minabuti nito na sa bahay na lamang nila sa Alabang magpagaling.
Binigyan si Jolo ng oral medication ng kaniyang doktor at kailangan nitong magpacheck up sa ospital isang beses isang linggo.
Ayon pa kay Fortun, nagsumite na rin ng 30 days sick leave ang bise gobernador para sa kaniyang full recovery.
“Ang laki ng improvement kasi niya simula ng dalawin siya nung Tuesday ng tatay niya minarapat niya na gusto na niya umuwi kasi probably mas madali talaga magpahinga at lalong gumagaling kapag nasa bahay,” pahayag nito.
Nagpapasalamat naman ang pamilya Revilla sa mga nag-alay ng dasal sa bise gobernador para sa mabilis na paggaling nito.
February 28, Sabado ng umaga nang isugod sa ospital si Jolo matapos aksidenteng mabaril ang sarili habang nililinis ang kaniyang baril. (Sherwin Culubong / UNTV News)