PASIG CITY, Philippines — Nagtrabaho ng husto ang Malacañang Patriots upang padapain ang defending champion AFP Cavaliers, 91-88 sa winner–take-all match nitong Linggo at makuha ang karapatan na sagupain ang Judiciary Magis sa Best-of-Three title series ng UNTV Cup Season 3.
Sisimulan ang serye sa April 12 sa Araneta Coliseum.
Kahit isang quarter walang ibinigay ang Patriots sa Cavaliers upang masigurong makukuha ang mahalagang panalo.
Ang score sa first quarter ay 34-22, second quarter 63-49 at sa third quarter 74-68. Ngunit pumasok ang tension sa sagupaan sa 1 minute and 44 seconds nang makuha ng AFP ang abante 84-83 sa pamamagitan ng three pointer ni Alvin Zuñiga.
Madaling nabawi ng Malacañang ang abante 86-84 sa sumunod na aksyon dahil sa split charity ni John Michael Jimenez at dalawang puntos ni Andro Requez.
Pinakuan ng Patriots ang kanilang panalo ng two pointer ni Samuel Ignacio na sa kabuuang kumamada ng 16 points at humatak ng ten boards.
Malaking kawalan din sa AFP ang pagka-fouled out nina Eugene Tan, Zuñiga at Wilfred Casulla Jr.
Pahayag ni Patriots Coach Jenkins Mesina, “Yung mistakes namin last game yung maliliit na mistakes kinorect lang namin. Maganda ang attendance sa practice kaya maganda performance sa game.”
Ang battle for third place ng Cavaliers at Senate ay gaganapin din sa April 12 din bago ang Game 1 ng Best-of-3 title series ng Patriots at Magis. (JP Ramirez / UNTV News)