MANILA, Philippines — Binasahan na ng sakdal ng Sandiganbayan 4th Division si dating Masbate Representative at ngayo’y Governor Rizalina Lanete sa kasong plunder na kinakaharap nito kaugnay ng PDAF scam.
Not guilty plea ang inihain ni Gov . Lanete, pati na rin ang ibang kapwa akusado kabilang sina Janet Lim Napoles, Department of Budget and Management Undersecretary Mario Relampagos at iba pang akusado.
Kaparehong plea rin na ‘Not Guilty’ ang ipinasok ng mga akusado sa labin isang counts ng graft.
Ayon sa abogado ni Lanete na Atty. Laurence Arroyo naninindigan silang walang kinalaman sa PDAF scam ang kanyang kliyente.
“Ang defense ni Gov. Lanete is her signature on many of the documents were forged. The only role of the lawmaker in the use of her PDAF is to identify the project-based on the project menu provided by the DBM and as contained in the General Appropriation’s Act,” ani Atty. Arroyo.
Samantala, hindi naman nabasahan ng sakdal sina John Raymund de Asis at Jose Sumalpong na at large pa rin at pinaghahanap ng mga awtoridad.
Dumagsa naman ang mga supporter ni Lanete ngayong araw ng Miyerkules sa Sandiganbayan na nag-alay pa ng dasal para sa kanilang gobernador.
Kasalukuyang nakaditine si Gov. Lanete sa BJMP Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Kinasuhan ito ng plunder dahil sa umano’y pagkamal ng mahigit isang daan at walong milyon piso mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund na inendorso nito sa umano’y pekeng NGO’s ni Janet Lim Napoles.
Naghain na rin ng petition for bail si Gov’t. Lanete at Janet Lim Napoles sa Sandiganbayan 4th Division at nakatakda itong dinggin ng korte sa ikaanim ng Mayo. (JOYCE BALANCIO / UNTV News)