MANILA, Philippines — Dinomina nang husto ng AFP Cavaliers ang Senate Defenders, 98-87 sa kanilang battle for 3rd ng UNTV Cup Season 3 noong Linggo sa Ynares Sports Arena.
Sa first quarter pa lang nilamangan na ng 12 points ng Cavaliers ang Senate Defenders, 33 -21.
Gayunpaman, nagawang makahabol ng Defenders sa second quarter, 49-46 pero hanggang doon na lamang at ganap ng kinontrol ng Cavaliers ang third quarter matapos na i-poste ang 16 points na abante 77-61.
Sinikap ng Defenders, na muling maghabol pero determinado ang Cavaliers na makuha ang third place at ikinasa na ang matinding depensa hanggang sa tumunog ang buzzer.
Hindi man nagawang idipensa ang kampeyonato ngayong season, ibinigay pa rin ng AFP Cavaliers ang lahat ng kanilang magagawa, upang makamit ang ikatlong pwesto. Dahil ayon sa kanila, pangunahin nilang inspirasyon ang matutulungan ng kanilang pinagpawisang tagumpay.
Pahayag ni AFP Cavaliers Head Coach Col. Alredo Cayco, “Kahit third sayang pa rin eh, makatutulong pa rin kami kung 500 thousand makatutulong pa rin kami, marami pa rin kaming matutulungan na estudyante sa AFP-EBSO (Educational Benefit System Office).”
Pahayag naman ng tinanghal na Best Player of the Game na si Ian Steve San Esteban, “Yung frustration lang talaga namin na hindi makapasok ng finals ibinuhos na naming sa laro na ito.”
Ayon pa kay Coach Cayco, mas maaga nilang paghahandaan ang susunod na season ng UNTV Cup.
“Mas magandang preparasyon, kasi nagsisimula kami sa ilalim tapos humahabol na lang kami sa finals, Siguro next season iibahin namin para hindi na kami mapunta sa ilalim, ma-maintain naming ang standing.”
Nagpapasalamat rin ang AFP Cavaliers kay Mr. Public Service Kuya Daniel Razon dahil sa pagkakataon na makasama sila sa liga ng mga public servant.
“Kay Kuya Daniel, thank you sa programa at continuous po tayong nakatutulong sa mga nangangailangan at yung katulad ng dating ginawa namin, yung makukuha namin 500 thousand ibibigay namin sa educational benefit ng mga anak ng sundalong namatay sa field at yung mga deserving na estudyante na anak ng active service,” pagpapahayag ng pasalamat ng AFP Cavaliers head coach.
Noong nakaraang season tinanghal na champion ang AFP Cavaliers at nagkamit ng P1.5 million na cash prize na ibinigay nila sa AFP Educational Benefit System Office. (BERNARD DADIS / UNTV News)