MAKATI CITY, Philippines — Bumalik na sa kanyang dating posisyon si acting Mayor Romulo ‘Kid’ Peña ngayong araw ng Miyerkules.
Ito ay kasunod ng kanyang natanggap na direktiba mula sa Department of the Interior and Local Government kahapon na nag-aatas sa kanya na muling gampanan ang tungkulin bilang vice mayor ng lungsod.
Nakasaad sa memorandum order ng DILG, na ang pagbaba ni Peña sa posisyon mula sa pagiging acting mayor ay alinsunod sa writ of preliminary injunction na una nang inilabas ng Court of Appeals.
Ayon kay Makati acting Mayor Kid Peña, “Ako po ay nakatanggap na ng direktiba galing sa DILG bilang pagrespeto na rin po sa writ of preliminary injunction na galing po sa Court of Appeals at siyempre para consistent po tayo sa direktibang ibinaba po ng Ombudsman ay idinaan po sa DILG ako po ay sinabihan na bumalik na po sa aking posisyon bilang vice mayor ng Makati.”
Bumalik na rin sa kanyang dating opisina si Peña, at prayoridad nya ngayon ang pagpirma sa mga nakabinbing voucher at payroll, upang mapasweldo na ang ilan pang mga empleyado ng munisipyo.
Bukod sa pagpirma ng mga dokumento, kinumpirma rin ng bise-alkalde na dadalo na sya sa susunod na council meeting upang mag preside sa pagpupulong ng konseho.
Bago bumalik sa dating opisina, pinasalamatan ni Peña ang mga pulis na matiyagang nagbantay sa kanya sa old city hall sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang acting mayor.
Humiling naman ng pang unawa si Peña sa kanyang mga kasamahan sa city hall at iginiit na sumunod lamang sya sa rule of law.
Sakaling magpatunayan na dapat pa ring umiral ang suspension ni Makati Mayor Junjun Binay ay hihintayin na lamang ni Peña ang panibagong order mula sa Ombudsman at DILG.
“Kapag tayo po eh, halimbawa po si Supreme Court eh nagdesisyon at kung saka sakali aantayin ko pa rin po ang payo ng Ombudsman at DILG kasi po dapat pong malaman ng buong Pilipinas na ako po ay sumusunod lamang sa rule of law.”
Umaasa naman si Peña na sa kanyang pagbabalik bilang vice mayor ay magiging maayos ang pakikitungo sa kanya ng mga kasamahan upang magampanan nang mabuti ang kanyang trabaho. (JOAN NANO / UNTV News)