PASAY CITY, Philippines — Mayroong mahigit isang libong accredited yellow metered taxi sa mga paliparan kabilang na ang mga vehicle for rent, subalit kulang pa rin ito sa dami ng mga pasahero.
Ang isa pang problema, grabe ang traffic sa Metro Manila kaya matagal bago makabalik ang mga yellow taxi kaya ang resulta ay pahaba ng pahaba ang pila ng mga pasahero sa mga terminal.
Dahil sa problemang ito simula sa Lunes, papayagan na ng Manila International Airport Authority ang mga unaccredited white taxi na makapagsakay ng pasahero sa NAIA Terminal 2 at Terminal 3.
Halos araw-araw ang senaryo sa NAIA Terminal 3 ay mahabang pila ng mga pasaherong naghihintay, makasakay ng taxi, ang iba galing sa probinsya at ang iba naman ay mga balikbayan na kahit gustong gusto ng makauwi wala silang magagawa kundi maghintay, dahil walang dumadating na taxi.
Pahayag na isang pasahero na si Victoria Tolentino, “Magtiis na lang kami ditto, ano pa magagawa namin talagang ganyan, ang pera ko tamang tama lang.”
Salaysay naman ni Michelle Otamias, “It takes time to ride a taxi because ang haba ng pila tsaka walang taxi. Nasaan kaya sila?”
Nagbabala naman ang MIAA sa mga pasahero na mag-doble ingat at kung maari ay i-report ang mga taxi na nag overcharge.
Aminado ang MIAA na wala silang kontrol sa mga white taxi at ang tangi lamang nitong magagawa ay ilista ang license plate ng mga ito upang madaling matukoy sakaling may magreklamo.
Babala ni MIAA General Manager Angel Honrado, “White taxis are not accredited. Sinasabi ko nga, ito ang disadvantage: wala kami ano (identification / accreditation), we have to rely on LTO and LTFRB for identification purposes.”
Papayagan lamang ang mga white taxi na magsakay sa mga peak hours na kung saan maraming pasahero. Sa NAIA Terminal 2, 2pm to 6pm at 8pm to 10pm samantalang sa NAIA Terminal 3 naman ay 9am to 11am, 1pm to 4pm, 6pm to 8pm at 10pm to 1am.
Sa tala ng MIAA, mayroong mahigit sampung libong pasahero ang dumadating sa NAIA Terminal 2 araw araw habang mahigit dalawampung libo naman sa NAIA Terminal 3.
Habang ang NAIA 1 ay mayroong lamang mahigit siyam na libong arrival kada araw at mahigit apat na libo naman sa terminal 4.
Hindi naman ito ikinatuwa ng ilang driver ng yellow taxi, maaari daw humina ang kanilang kita. Para kay Armando Javier na driver ng yellow taxi, “Malaking kabawasan yan, siyempre may kompetisyon na eh”
Kay Jessie Mascariñas naman, “Oo, malaki po, eh siempre, mababa ang singil nila at mangongontrata lang yan.”
Ngunit ang sagot ng MIAA, hindi pinag-uusapan dito ang kita ng mga taxi kundi ang pangunahing nilang concern ay ang kapakanan ng mga pasahero sa mga paliparan. (MON JOCSON / UNTV News)