QUEZON CITY, Philippines — Ipinakita ng Armed Forces of the Philippines ang mga larawan ng napatay na bomb maker at teroristang si Basit Usman.
Ayon sa inisyal na ulat sa AFP, napaslang si Usman at lima pang kasama nito sa isang shootout sa Sitio Takeneke, Brgy. Muti, Guindulungan, Maguindanao ika-10 ng umaga ng Linggo.
Ang lugar ay malapit sa Camp Afghan, ang kampong pansamantalang nilipatan ng mga MILF member habang isinagawa ang all-out offensive ng AFP laban sa BIFF.
Hindi pa malinaw kung kapwa BIFF o security aide mismo ang nakapaslang kay Usman.
Pahayag ng tagapagsalita ng AFP na si BGEN. Joselito Kakilala, “It could be BIFF members, it could be closed-in-body guards mismo ni Usman.”
Sa ulat na nakarating sa AFP, pinuntahan ng MILF members ang lugar ng shootout at dinatnan ang mga bangkay kabilang na ang kay Usman at na-recover din ang ilang kalibre ng baril.
Ayon sa mga pahayag ng mga tao sa lugar, pinaghihinalaang napaslang si Usman ng kaniyang mga kasamahan sa grupo o nagkaroon ng “infighting” dahil sa halaga ng reward na nakapatong sa ulo ni Usman.
Inatasan na ni AFP Chief of Staff General Gregorio Pio Catapang Jr. Si 6th Infantry Division Commander MGen. Edmundo Pangilinan na mag-imbestiga sa pangyayaring ito.
Kinukumpirma na rin ng AFP ang ulat na nawalan na ng tiwala si Usman sa mga sarili nitong tauhan dahil sa serye ng kanilang engkwentro sa mga militar sa loob ng dalawang buwan.
Dagdag pa ng tagapagsalita ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, “We don’t know kung nag-recruit siya ng bago or kung he was suspecting among his groups kasi distrustful na siya sa mga kasama niya na may nangtratraydor sa kaniya because of he was always monitored.”
Sabi naman ni AFP Chief of Staff Gregorio Pio Catapang Jr., “If the whole Armed Forces (of the Philippines) is running after you, your world is getting smaller every day and then he needed to move around every after six hours, somewhere else.”
Si Usman ay may kaugnayan sa teroristang grupong Jemaah Islamiyah at Abu Sayyaf Group.
Halagang isang milyong dolyar ang nakapatong sa kaniyang ulo dahil sa pakikipag-ugnayan sa mga teroristang grupo at mga pambobomba mula pa noong 2003. (ROSALIE COZ / UNTV News)