Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Pres. Aquino, ibinida ang mabungang resulta ng pagbisita sa Canada at Chicago

$
0
0

Ang pagdating ng Pangulong Benigno Aquino III sa bansa nitong madaling araw ng Lunes mula sa tatlong araw na state visit sa Canada at working visit sa US. (Malacañang Photo Bureau)

MANILA, Philippines — Pasado alas-dos ng madaling araw ng Lunes nang lumapag sa centennial terminal ng Ninoy Aquino International Airport ang eroplanong sinakyan ni Pangulong Aquino mula sa ilang araw niyang working visit sa Canada at Chicago, Illinois.

Pahayag ni Pangulong Aquino, “Boss, saan mang panig nang daigdig talagang nakikita na natin at nang buong mundo narito na ang mga Pilipinong taas noo at handing panghawakan ang bawat pagkakataon para marating ang Filipino Dream: isang patas at maunlad na Pilipinas.”

Sa kanyang pagbabalik sa bansa, bitbit ng pangulo ang magagandang balita na inaasahang makatutulong sa lalo pang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Sa kanyang talumpati, ilan sa ibinida ng pangulo ang pakikipag-pulong niya sa ilang insurance company na handa umanong magbigay ng Catastrophe Agricultural Insurance sa mga magsasaka tuwing may bagyo.

“Sa pakikipagpulong natin sa kanila nabanggit ang Catastrophe Agricultural Insurance pag-aaralan po natin ito dahil sa malaking pakinabang sa ganitong serbisyo sa oras ng sakuna.”

Masayang paghihintay kay Pangulong Benigno Aquino III ng Filipino Community sa Vancouver, Canada kung saan ay inalayan muna sila ng mga kanta ng OPM icon na si Noel Cabangon. (Derrick Manila / Photoville International)

May mga kumpanya rin siyang nakausap sa Canada na nagpahayag ng interes na palawigin pa ang industriya ng pagtatanim ng blueberry at cranberry sa ating bansa.

Pinasalamatan rin ng pangulo ang Canadian government sa mga tulong nito sa mga biktima ng bagyong Yolanda at sa ngayon ay may nakahanda pang 47 grants kung saan ang 28 ay para sa typhoon-related assistance.

Dagdag pa ni Pangulong Aquino, “Nitong 2014 umabot sa 111.95 US Dollars ang ayuda na inilatag nila para sa atin may 47 grants pa ang natitira pa ang kanilang bansa at ang 28 dito ay nakalaan para typhoon-related assistance.”

Bago matapos ang talumpati ng pangulo, pinasalamatan niya ang lahat ng mga Pilipinong nagta-trabaho sa iba’t ibang bansa dahil sa kontribusyon nila upang makilala ang abilidad at magagandang katangian ng mga Pilipino.

Repleksyon umano ito ng Pilipinas kaya maraming dayuhang investors ang nahihikayat na mamuhunan sa bansa. (BENEDICT GALAZAN / UNTV News)

(Left-Right) Ang paglagda ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng Canada at Pilipinas patungkol sa Human Resource and Development na sinaksihan ni Pangulong Benigno Aquino III at British Columbia Premiere Christy Clark. Kasama rin sa larawan sina British Columbia Minister for International Trade Teresa Wat at Department of Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz at mga piling kinatawan mula sa Filipino community. (Olin Villano / Photoville International)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481