MANILA, Philippines — Alas-siyete ng umaga nitong Miyerkules nang lumapag sa Villamor Air Base sa Pasay City ang C-130 plane na nagdala sa labi ni Ambassador Domingo Lucenario Jr. na nasawi sa pagbagsak ng sinasakyang helicopter sa Pakistan.
Kasama sa flight pabalik ng bansa ay ang asawa nito na si Atty. Nida Lucenario, anak na si Domingo Lucenario III at ang Ambassador Minister of Commerce ng Pakistan at former Ambassador Jun Paynor.
Ilan naman sa sumalubong ay mga opisyal mula sa Department of Foreign Affairs, mga kaanak at ang ambassador ng Pakistan dito sa Pilipinas na si Safdar Hayat.
Naroon din si Secretary De Lima bilang kinatawan naman ni Pangulong Aquino. Nagkaroon ng arrival honors bago dinala sa Arlington Funerals sa Araneta Ave. Quezon City ang mga labi ni Lucenario.
Pagkatapos ay dadalhin ito sa Heritage Park sa Taguig para sa burol na pawang mga kapamilya lang ang maaaring dumalo.
Bukas naman bubuksan sa publiko ang burol ni Ambassador Lucenario habang sa Biyernes dadalhin naman ito sa tanggapan ng DFA para sa isang memorial service.
Sa Linggo naman ng umaga ililibing ang mga labi ni Ambasador Lucenario sa Holy Cross Memorial Park sa Novaliches, Quezon City.
Nasawi si Ambassador Lucenario noong nakaraang Biyenes dahil sa isang helicopter crash sa Natar Valley sa Pakistan. Mechanical failure ang inisyal na nakikitang dahilan ng insidente ngunit patuloy pa itong iniimbestigahan ng mga awtoridad.
Kanina ay nagpasalamat ang mga anak nito sa lahat ng nagpaabot ng pakikiramay at suporta sa kanilang pamilya.
“We are deeply saddened, and we miss our father every single day… But we are overwhelmed by all the love the people have shown us,” pahayag ni Marian Lucenario.
Si Secretary Leila de Lima naman na malapit na kaibigan ni Ambassador Lucenario, inalala din bilang isang malapit na kaibigan si ambassador.
“He is very charming and yet he has toughness in him. Madalas magbiro yan. Palaging may smile yan eh. He’s smiling but he’s sharp.”
Ayon sa Department of Foreign Affairs, kilala bilang isang career diplomat si Lucenario at naglingkod sa pamahalaan ng Pilipinas sa loob ng 35 years.
Samantala, nagrekomenda na si Pangulong Aquino ng mga posibleng pumalit sa pwesto ng nasawing ambassador kabilang dito si Daniel Espiritu. (DARLENE BASINGAN / UNTV News)