MANILA, Philipiines — Inumpisahan nang kausapin ng Metro Manila Development Authority o MMDA ang mga opisyal ng mga barangay na dinaanan ng valley fault system o VFS.
Umabot sa 84 na barangay ang tinamaan ng VFS kung saan 40 sa mga ito ay sakop ng Metro Manila at ang iba naman ay nasa Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna.
Ang VFS ay nahahati sa dalawang segment-ang 10 kilometers east valley fault at ang west valley fault na may habang 100 kilometro.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, sa pamamagitan ng pagpupulong na ito ay magkakaroon sila ng initial assessment kung ano pa ang mga paghahandang dapat gawin sa mga barangay na dinaanan ng fault.
“Gusto nating makita yung datos na wala tayong hawak dahil iisa ito. Kapag gumalaw ng west valley fault, damay tayong lahat eh,” ani Chairman Tolentino.
Iikot naman ang earthquake simulator ng MMDA sa mga lugar na dinaanan ng fault upang magkaroon ng ideya ang publiko sa lakas ng bawat intensity.
Bukas, Biyernes, ay uumpisahan na ito sa Barangay Tumana sa Marikina City.
May 43 libong residente ang barangay na karamihan ay nakatira malapit sa Marikina River.
Dagdag pa ng MMDA chairman, “Kung padre de pamilya yun, maipapaliwanag nya sa pamilya nya kung ano talaga yung dapat na gawin.”
Sa June 2 ay magsasagawa ng rescue skills competition ang MMDA at 17 cities and municipalities ng Metro Manila upang maipakita ang kakayahan ng bawat LGU sa pagresponde sa sakuna gaya ng lindol.
Kasunod nito ay pag-uusap ng mga mayor kung magsasagawa sila ng pwersahang pagpapaalis sa mga establishment at bahay na nakatayo sa fault.
Nauna nang sinabi ng PHIVOLCS na dapat ay “No Build Zone” ang 10-meter buffer zone ng fault dahil mapanganib ito. (REY PELAYO / UNTV News)