Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Pagkakaroon ng heat wave sa Pilipinas, malayo pang mangyari ayon sa PAGASA

$
0
0

FILE PHOTO: Isang trabahador sa Dibut Island sa Baler, Aurora Province. (WISDOM ISON / Photoville International)

QUEZON, Philippines — Umabot na sa mahigit isang libong tao ang nasawi sa heat wave sa India kung saan higit pa sa 47 degrees Celsius ang temperatura.

Sa Pilipinas, pumalo sa 38.4 degrees Celsius ang pinakamainit na temperaturang naitala ng Philippine Athmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration o PAGASA ngayong summer season.

Gayunman, nilinaw ng pagasa na bagamat hindi naman maiiwasan ang pagtaas ng temperatura, malabo pang maranasan sa Pilipinas ang heat wave dahil sa geographical location nito.

Pahagayag ni Anthony Lucero, OIC ng Climate Monitoring and Prediction section ng PAGASA, “Hindi nangyayari sa atin yan kasi we are surrounded by water, hindi naman ganoon kataas umiinit yung karagatan, kasi yan eh pag-init ng kalupaan yan, walang ulan, tuluy-tuloy na naiinitan ang kalupaan kaya siya nag-ge-generate yan.”

Samantala, dahil sa sobrang init ng panahon, heatstroke naman ang pinakamalalang heat illness na maaaring maranasan ng isang tao.

Ito ay ang lubhang pagtaas ng temperatura ng katawan at kawalan ng kakayahan nitong makapagpawis dahil sa dehydration.

Ayon sa espesyalista na si Doctor Joseph Lee, mas prone sa heatstroke ang mga matatanda at mga indibidwal na naghahanapbuhay at exposed sa sikat ng araw.

Pahayag ni Dr. Joseph Lee, “Ang mas prone dito ay yung mga nakakatanda natin, nagkakaroon ng edad siyempre, sa katawan natin sila medyo mabagal na ang metabolism.”

Upang maiwasan ang heatstroke, ugaliing magbaon at uminom palagi ng tubig.

Iwasan ang pag-inom ng tsaa, kape, softdrinks at alak.

Iwasan ding magbabad sa sikat ng araw sa mahabang oras lalo na sa katanghaliang tapat.

Kung di maiiwasang lumabas ng bahay, magbaon ng pananggalang sa sikat ng araw tulad ng payong, sombrero, pamaypay at magsuot ng long-sleeve at light-colored na damit.

Ilan sa sintomas ng heatstroke ay ang sobrang pagkauhaw, mainit at nanunuyong balat, mabilis na tibok ng puso, kombulsyon, pagdedeliryo at pagkawala ng malay.

Sakaling makaranas ng sintomas ng heatstroke ang isang tao, agad na dalhin sa isang lugar na may cool temperature, ihiga at i-elevate ang mga binti, painumin ng malamig na tubig, tanggalin ang damit, punasan ng basang bimpo at dalhin sa pinakamalapit na ospital. (ROSALIE COZ / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481