QUEZON CITY, Philippines — Maituturing nang mahina ang pwersa ng CPP-NPA matapos ang pagkakahuli sa rebeldeng lider nito na si Adelberto Silva kamakailan.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Harold Cabunoc, ito ay dahil wala nang punong magdedesisyon sa mga operasyon ng rebeldeng grupo.
“Their operations will be crippled kasi wala nang magdi-direct sa operations nila maging sa political side and of course sa armed group na yung nagdi-direct ng armed violence all over the country,” anang AFP PAO chief.
Naaresto si Silva sa Bacoor, Cavite noong Lunes kasama ang asawa nitong si Sharon Ronquillo at isa pang CPP member na si Isidro de Lima.
Ayon pa kay Cabunoc, dahil sa pagkakaaresto kay Silva, naniniwala siyang mas marami sa mga kasamahan nitong rebelde ang maaaring magbalik-loob sa pamahalaan at isuko ang kanilang mga armas.
“Nakikita natin, marami na ring disgruntled sa kanilang members at paisa-isa may nagsusurrender with firearms at katunayan diyan umabot sa 80 na ang sumuko sa atin sa EastMinComm area.”
Si Silva ang secretary general ng CPP central committee at itinuturing na pinakamataas na lider ng organisasyon sa bansa sa kasalukuyan.
Siya ang humalili sa NPA leader na si Wilma Tiamzon nang maaaresto ito kasama ng kaniyang asawa sa Cebu noong march 2014.
Samantala, ang pangkalahatang pinuno naman ng communist movement na si Jose Maria Sison ay piniling mamalagi sa Netherlands.
Sa ngayon, nahaharap sa 15 counts of murder at frustrated murder si Silva.
Giit naman ng human rights organization na karapatan, isang peace consultant si Silva ng National Democratic Front.
Ganun pa man, nanindigan ang AFP sa dahilan ng pagkakaaresto kay Silva.
Dagdag ni LT COL Cabunoc, “Yung transparency sa pag-serve ng warrant nandoon, in the presence of locale officials. So, hindi pwedeng sabihin na planted yung evidences kasi may mga kasamang locale officials.”
Ayon sa AFP, tinatayang nasa apat na libo pa ang pwersa ng CPP-NPA sa bansa bagaman paparami ang sumusuko at nahuhuling mga rebelde. (ROSALIE COZ / UNTV News)