LAGUNA, Philippines — Dalawang motorsiklo ang nagkabanggan sa bahagi ng national highway sa Barangay Sto. Niño, Biñan City pasado alas singko ng hapon nitong Linggo.
Nagtamo ng sugat sa mukha at baba at bukol sa noo si Nestor Geray, 31 anyos, samantalang nagtamo naman ng gasgas sa kaliwang hita at braso si Dionisio Umandam na 23 anyos.
Nilapatan ng pangunang lunas ng grupo ang mga sugat ng mga biktima katuwang ang Binan Emergency Rescue Unit.
Dinala sa Biñan Hospital si Geray dahil sa mga tinamong sugat sa katawan at minor hematoma.
Samantala, sa Davao City, nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue team ang driver ng motorsiklo na natumba dahil sa mabilis na pagmamaneho.
Nangyari ang aksidete badang alas 2 ng madaling araw ng Lunes sa harapan ng Don Manuel Elementary School sa Matina.
Nilinis ng grupo ang natamong galos sa kaliwang bahagi ng mukha at kaliwang paa ng driver na si Chard Corpuz.
Ayon sa mga nakakita, mabilis umano ang takbo ng motorsiklo kasabay ang isa pang motorsiklo nang bigla na lamang itong natumba.
Napag-alaman din na nakainom ng alak at walang suot na helmet ang biktima.
Matapos bigyan ng paunang lunas ng grupo ay tumanggi na itong magpadala sa hospital. (UNTV News)