QUEZON CITY, Philippines — Inireklamo ng Justice for Kentex Workers Alliance sa Office of the Ombudsman ang ilang opisyal ng pamahalaan na umano’y dapat managot sa nangyaring trahedya sa pabrika ng tsinelas sa Valenzuela City na ikinamatay ng pitumpu’t dalawang manggagawa noong May 22.
Ang walong sinampahan ng administrative at criminal charges ay sina Department of Labor and Employment Sec. Rosalinda Baldoz, Department of Interior and Local Government Sec. Mar Roxas, director ng DOLE-NCR na si Alex Avila, labor compliance officer ng DOLE-NCR na si Joseph Vedasto, director ng Bureau of Fire Protection na si Daniel Barayuga, NCR-BFP Director Sergio Soriano, Valenzuela City Marshall Mel Jose Lagan, at BFP Chief of Fire Safety Enforcement Section Ed Ocullam.
Ayon sa grupo, kailangan managot ni Sec. Baldoz dahil sa inisyung DOLE Certificate of Compliance na nagpapatunay na sumusunod sa occupational health and safety standards ang Kentex Manufacturing Corporation.
May pananagutan din umano ang DILG dahil hindi kaagad naglabas ng report ang Bureau of Fire Protection na may violation ang Kentex sa kanilang mga regulasyon.
Pahayag ng mga abogado ng biktima na si Atty. Remegio Saladero Jr., “Ang aming concern iyong national government agencies lamang dahil sa aming pananaw sila ay dapat maging responsible sa health and safety ng mga nangagagawa.”
Ayon sa abogado ng mga biktima na si Atty. Remegio Saladero Jr., mahigit limampung pamilya ang kinuhanan nila ng affidavit at sworn statement para sa reklamong ito.
Kabilang sa mga nag-reklamo ang company driver ng Kentex na si Danny.
Bagaman nakaligtas sa trahedya, humihingi pa rin si danny ng hustisya para sa lahat ng biktima.
“Dapat po ay managot at may makulong dahil kaming mga survivor namatayan din kami sa mga mahal sa buhay,” pahayag ng isang survivor.
Binabalak rin ng grupo sa pamumuno ni Atty. Saladero na magsampa ng criminal charges sa Valenzuela City Prosecutors Office o sa Department of Justice laban naman sa may ari ng pabrika.
Tiwala naman ang Malakanyang na masasagot ng mga miyembro ng gabinete ang naturang reklamo na inihain sa Ombudsman.
“What we are confident is that the Secretary of Labor and Employment, and Secretary of DILG Mar Roxas will be able to address those concerns,” pahayag ni Sec. Edwin Lacierda. (JOYCE BALANCIO / UNTV News)