MAGUINDANAO, Philippines — Isang mahalagang hakbang sa usapang pangkapayapaan ang pagsasauli ng armas at decommissioning ng mga MILF combatant ngayong araw sa Sultan Kudarat, Maguindanao na sinaksihan ni Pangulong Aquino.
Mahigit pitumpung armas na high-powered at crew-served weapons ang itinurn-over ng MILF na sa kasalukuyan ay sinisiyasat at ini-inventory ng independent decommissioning body bilang unang bahagi ng decommissioning program.
Kabilang sa mga itinurn-over sa IDB ay mga M1 Garand rifle, Browning automatic rifle, M14, M16a1, improvised sniper rifle, calibre 50 heavy machine gun, mortar, rocket launcher at grenade launcher.
Nasa 145 Bangsamoro islamic armed forces combatants ang nagparehisto at nai-proseso para sa decommissioning.
Ayon sa panig ng MILF, ito na ang pinakamahirap na hakbang na kanilang ginawa sa usapang pangkapayapaan.
Pahayag ni MILF Peace Panel Chief Mohagher Iqbal, “Frankly speaking, this decision is one of the most difficult decisions. We have met so far in more than 4 decades of harsh struggles.”
Salaysay naman ni MILF Central Committee Chairman Al Haj Murad Ebrahim, “But this is not about statistics. This is something deeply personal for us. As I look at the faces of each of our 145 brothers here this morning, I see 145 stories of struggle, of pain and hopelessness and even of death.
Ayon kay OPPAP Secretary Teresita Ging Deles, naglaan na ang pamahalaan na 2.4 billion pesos para sa socio-economic package sa decommissioning process upang matulungan sila sa kanilang pagbabagong buhay na walang hawak na armas.
Sinabi naman ni Pangulong Aquino na malaki ang ipinakitang pagtitiwala ng MILF sa pamahalaan dahil sa ginawa nilang pagsasauli ng armas.
“Ginagawa nga nila ito kahit nakabitin pa ang Bangsamoro Basic Law at mangyayari pa lang ang Bangsamoro Transition Authority, kaya hindi ko po masasabing sumusugal tayo sa pakikipag-usap sa MILF, tsambahan po ang sugal, wala kang hawak na pruweba sa kapalaran mo. Ito naman pong ginagawa natin ngayon ay napakatibay na patunay na buo at busilak na pakikiisa ng MILF sa ating usaping pangkayapaan at handang talikuran ang landas ng hidwaan.”
Binatikos ng pangulo ang ilang mambabatas na patuloy na humaharang sa draft BBL.
“Nakakalungkot nga po na ang gustong isagot ng ilan sa ating mga mambabatas sa imbitasyong. Ito ay itigil ang BBL, imbes na itanong, paano ko pa ba mapapabuti ang BBL para matugunan ang hinaing ng mga kababayan natin, tila pinagiisipan pa ng iba ay paano ko ba ito pipigilan o haharangin,” ani Pangulong Aquino.
Ang decommissioning program ay bahagi ng normalization annex ng comprehensive agreement on the Bangsamoro.
Ito ang proseso kung saan mula sa pagiging MILF combatants ay babalik na sila sa pamumuhay bilang sibilyan. (NEL MARIBOJOC / UNTV News)