MANILA, Philippines — Ang matinding traffic ang isa sa mga problema na kinakaharap ngayon ng mga commuter dito sa Metro Manila.
At upang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko partikular na sa EDSA, magsasagawa ang grupong Bayanihan sa Daan Movement ng EDSA Evolution o road sharing sa darating na June 28.
Sa EDSA Evolution, magtatalaga ang Metro Manila Development Authority ng bagong sistema ng vehicle lanes sa north bound at south bound ng EDSA simula SM Mall of Asia hanggang sa EDSA-Ortigas intersection.
Batay sa plano ng MMDA dalawang lanes ang itatalaga para sa mga bus, isang lane ang ilalaan para sa mga pribadong sasakyan, isa ring lane para sa mga bisikleta at ang huling lane ay para sa mga tao naglalakad.
Layunin ng proyekto na maibsan ang mabigat na daloy ng mga sasakyan sa EDSA at hikayatin ang publiko na gumamit ng bisikleta bilang alternatibong transportasyon na makakabawas rin sa polusyon sa Metro Manila.
Pahayag ng leader ng Bayanihan sa Daan movement na si Atty. Antonio Oposa Jr., “What we are trying to do here is to how the proof of concept, not an experiment. This is an exercise and a proof of concept.”
Nitong Lunes ay nagpulong na ang MMDA, Bayanihan sa Daan movement upang talakayin ang kabuong implementasyon ng programa, kasama ang DOTC, DPWH, DENR at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Makikilahok rin sa programa ang iba pang civil society groups tulad ng Clean Air Asia, National Bike Organization at iba pang mga grupo.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, “Full support ako sa mga hakbangin na makakabawas ng traffic pero yung proof of concept nito, kaya nga proof of concept, tingnan muna natin kung ano ang mangyayari.”
Sakaling maging epektibo ang naturang sistema,target ng Bayanihan sa Daan movement na ipatupad ang road sharing sa EDSA tuwing araw ng Linggo.
Nanawagan naman ng suporta mula sa publiko ang grupo, upang maisakatuparan ang mabuting layunin ng kanilang proyekto. (JOAN NANO / UNTV News)