MANILA, Philippines — Wala pang nakikita si Pangulong Benigno Aquino III na posibleng papalit sa iniwang posisyon ni Vice President Jejomar Binay sa gabinete.
Ayon kay Presidential Communication Secretary Herminio Coloma Jr., iiwanan ni VP Binay ang pagiging presidential appointee sa mga posisyon bilang chairperson ng Housing and Urban Development Council at Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers Affair.
“At hanggang hindi po humihirang ang pangulo ng iba pang mga opisyal, mayroon naman po tayong prinsipyo sa gobyerno na ‘continuity and no disruption in essential public services.’ Kaya wala pong dapat ikabahala hinggil diyan. Ang tangi lang naman pong naghain ng pagbibitiw ay si Vice President Binay, kaya patuloy po ang serbisyo publiko sa lahat ng mga aspeto ng gawain ng mga ahensiyang napapaloob sa kaniyang sinasakupan dati.”
Sinabi rin ng kalihim, walang dapat ikabahala ang publiko sa mga posisyong iniwan ng bise presidente, dahil si VP Binay lamang ang tanging nagbitiw sa pwesto at tuluy-tuloy pa rin naman ang serbisyo ng mga ahensiyang dati nyang pinamumunuan.
Paliwanag pa ng Malakanyang, normal na proseso lamang ang ginawa ng bise presidente at gaya ng ibang presidential appointee, hihintayin ni VP Binay ang sulat na manggagaling sa executive secretary para sa kaniyang pormal na pagbibitiw.
Sinabi naman ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ayaw na nilang magpahayag sa kung anu man ang motibo ni VP Binay sa kaniyang ginawang resignation.
Tumanggi ring idetalye ni Valte kung ano ang napag-usapan nina Pangulong Aquino at VP Binay matapos makapaghain ito ng resignation.
Ayon naman kay Manila Mayor Joseph Estrada tama lang ang tiyempo ng ginawang pagbibitiw ni VP Binay sa gabinete ni Pangulong Aquino.
“Sa palagay ko dahil sa walang tigil ang mga bomba sa kaniya, it’s about time. Siguro, he can defend himself.”
Pinabulaanan naman Malakanyang ang alegasyon na ginawa lamang “punching bag” ng administrasyon ang pangalawang pangulo.
Paliwanag ni Valte, tumututok sa pagpapatupad ng mga programa ang administrasyon at hindi sumesentro sa personalidad. (NEL MARIBOJOC / UNTV News)