MANILA, Philippines — Isang malaking hamon para sa bagong hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) kung paano lulutasin ang problema sa illegal na droga sa New Bilibid Prisons (NBP).
Matapos manumpa sa pwesto nitong Martes, inatasan ni Sec. Leila de Lima ang bagong BuCor director na si retired Gen. Ricardo Rainier Cruz III na ituloy ang inumpisahang paglilinis sa Bilibid.
Sa gitna ito ng hindi matapos tapos na issue na nakakapagbenta pa rin ng ipinagbabawal na gamot ang mga drug lord kahit nasa loob na sila ng NBP at iba pang penal colony.
Ang iba nga sa mga drug convict, pansamantalang inilipat sa NBI detention cell matapos ang raid sa Bilibid nitong nakaraang Disyembre.
Pahayag ni DOJ Sec. Leila De Lima, “Ang marching order ko, talagang kailangang ipagpatuloy ang paglilinis ng sistema sa BuCor. Ipapagpatuloy pa rin ang hangarin natin na gawing talagang drug-free ang BuCor, ang NBP as a facility and even the other penal farms and prison na nagkaroon na rin ng mga issue tungkol sa droga.”
Nangako naman si Cruz na hindi bibiguin ang kalihim sa iniatang na responsibilidad sa kanya.
Isa rin umano sa prayoridad niya ang gawing pantay-pantay ang pagtrato sa mga bilanggo.
Anang BuCor chief, “With that, we can now look into the welfare of inmates. Bakit ba sila, despite na maghigpit dun sa NBP, bakit ba sila nagre-resort sa drug activity? So, I have to remove the VIP treatment. I have to remove yung pagpasok ng mga luxury item. And then, importante din yung welfare ng mga guards dun.”
Inatasan din ng kalihim si Cruz na pag-aralan ang mga rekomendasyon na baguhin ang oryentasyon ng mga gang sa bilibid at gawin na lamang kooperatiba ng mga bilanggo ang talipapa sa loob ng naturang bilangguan.
Bago naitalaga bilang BuCor Director ay nagsilbi muna sa Philippine Army si Cruz sa loob ng tatlumput walong taon at naging commander ng Eastern Mindanao Command (EastMinComm) bago nagretiro sa serbisyo noong Setyembre ng nakaraang taon.
Pinalitan niya si dating BuCor Director Franklin Bucayu na nagbitiw sa pwesto dahil sa kalusugan nito. (RODERIC MENDOZA / UNTV News)