QUEZON CITY, Philippines — Batid ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pangangailangan ng mga retirado at senior citizens na umaasa na lamang sa buwanang pension na tinatanggap mula sa Social Security service o SSS.
Kaya naman puspusang isinulong dito na madagdagan ang kanilang monthly pension.
Batay sa inaprubahang House Bill number 5842 na naglalayong amyendahan ang Social Security Act of 1997, itataas sa P3,200 ang kasalukuyang p1,200 na buwanang pension ng mga SSS member na may sampung taong credited service habang gagawin namang P4,400 mula sa P2,400 ang mga may 20 years credited service.
Ayon sa isa mga co-author nito na si Bayan Muna Congressman Carlos Zarate, una nilang ipinanukala ang P5,000 accross the board increase ngunit batid naman nilang hindi kakayanin ito sa ngayon.
“While we are not fully satisfied with that, but it’s a good start. Isusulong pa rin natin yung pag-increase pa ng pension. But P2000 is a good start enough.”
Ikinatuwa naman ng ilang kasalukuyan at mga nag-aaply pa lang na makakuha ng pension ang naturang hakbang.
Pahayahag ni Ginoong Nonong Malcampo, “Para sa amin na nag-retire na, magandang balita iyan kung maipapatupad ng Kongreso. Makatulong sa amin yan.”
Para naman kay Ginang Luzviminda Cabrera, “Sana dagdagan pa ng malaki-laki konti. Sa akin, kahit mga P5 libong… Eh kasi mahirap ngayom ang buhay di ba. Mahal ang mga bilihin na.”
Sabi naman ni Lolo Romeo Alberto, “Maganda iyon kaysa sa wala. Mainam yung kahit papano nadagdagan.”
Ayon naman sa SSS, sakaling maaprubahan ang panukala ay mangangailangan din na mag-increase sila ng kontribusyon ng mga miyembro upang matustusan at madagdagan ang pondo para sa dagdag pension.
Paliwanag ni SSS President and CEO Emilio de Quiros, “We did our computation. To equalize it, you will require an increase from 11 percent today to 15 percent.”
Sa Senado ay nasa committee level pa lamang ang mga panukala ni Sen. Bongbong Marcos at Sen. Lito Lapid ukol sa SSS pension increase. (DARLENE BASINGAN / UNTV News)