MANILA, Philippines — Idineklara ng Korte Suprema na illegal ang pangongolekta ng Quezon City government ng garbage fee na mula 100 hanggang 500 pesos sa bawat bahay sa lungsod.
Ayon sa korte, sa ilalim ng Ecological Solid Waste Management Act ay limitado lamang ang paninigil ng garbage fee sa non-recyclable at special wastes.
Ngunit sa kaso ng Quezon City ay walang binabanggit kung para sa anong uri ng basura ang kinokolekta nito.
Labag din umano sa equal protection clause ng Konstitusyon at sa Local Government Code ang garbage fee.
Kaugnay nito ay inatasan ng Korte Suprema ang lokal na pamahalaan na i-refund ang nakolekta nito para sa garbage fee.
Samantala, pinagtibay naman ng korte ang ordinansa para sa socialized housing tax ng Quezon City na ipinasa noong 2011.
Pahayag ni Supreme Court Spokesperson Atty. Theodore Te, “Ordinance no. SP-2235, S-2013, which collects an annual garbage fee on all domestic households in Quezon City is hereby declared as unconstitutional and illegal.” (RODERIC MENDOZA / UNTV News)