PAMPANGA, Philippines — Trainer aircraft, OV-10 Broncos, Nomad N-22, Fokker F -27, C130 at C295 cargo aircraft at mga combat utility helicopters.
Ilan lamang ito sa assets ng Philippine Air Force (PAF) na pinalipad sa ika-68 anibersaryo nito sa Clark Air Base.
Naging bahagi ng selebrasyon ang pagbibigay ng parangal sa mga natatanging opisyal ng PAF.
Ayon kay Pangulong Benigno Aquino III, maraming proyekto na rin sa ilalim ng modernization program ng administrasyon ang naipatupad na.
“Kaya nga po tuluy-tuloy ang pagsulong natin ng modernisasyon sa AFP, isipin ninyo sa loob lamang ng limang taon, ang mga nakumpleto nating mga proyekto sa ating modernization program — 55. Nalagpasan na po natin ang apatnapu’t limang proyektong natapos nang nakaraang tatlong administrasyon.”
Kabilang sa mga inaasahang mga bagong kagamitan na darating ngayong taon ay ang dalawang unit ng Casa C-295 medium lift transports, dalawang unit ng Bell 412 combat utility helicopter at dalawang unit na FA50 fighter jets na binili sa South Korea.
Dagdag pa ni Aquino, “Nito ngang Hunyo, matagumpay na naisagawa and maiden flight ng unang FA50 unit na binili natin, malapit na nga pong mag-take-off sa sarili nating airbase ang fighter jets na ito, na inaasahang higit na maglilinang sa kakayahan nating pangalagaan ang atin pong teritoryo.”
Sinabi pa ng Pangulo na bagama’t ito na ang huli niyang pagdalo sa anibersaryo ng Philippines Air Force, tiniyak niya na magpapatuloy ang modernization program ng pamahalaan sa pamamagitan ng PAF Flight Plan 2028.
“Meron tayong isinusulong na PAF Flight Plan 2028 para gawing mas malawakan ang transpormasyon sa inyong organisasyon, nais ko lang pong bigyang diin, tatlong administrasyon ang saklaw ng inisyatibang ito at 364 days na lang po ang natitira sa ating panunungkulan, ibig sabihin kung gusto nating makitang magtagumpay ang planong ito kailangan tuluy-tuloy ang pagpanig natin sa daang matuwid.”
Sa naturang 14-year development plan ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines, nakalatag dito ang mga inisyatibo at mga programa kaugnay ng pagpapatuloy ng mga repormang nasimulan ng administrasyon. (NEL MARIBOJOC / UNTV News)