Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Panibagong kaso ng MERSCoV sa Pilipinas, naitala ng DOH

$
0
0

FILE PHOTO: Captured image at NAIA thermal scanner in March 2014 (UNTV News)

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Health na isang dayuhan mula sa Middle East ang kasalukuyang naka-confine sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) matapos na magpositibo sa MERS-Corona Virus.

Ayon kay DOH Secretary Janet Garin, pasado alas-onse ng umaga noong Sabado nang matanggap nila ang ulat tungkol sa isang 36 anyos na lalaking dayuhan na kinakitaan ng sintomas ng MERS-CoV.

“May natanggap kaming refferal sa Research Institute for Tropical Medicine tungkol sa isang foreigner na may ubo at nanggaling sa Middle East, bandang alas singko ng hapon the tests yielded into a positive result.”

Agad itong inilipat sa RITM at sa ngayon ay kasalukuyan itong naka-isolate at ginagamot ng mga doktor.

Sa inisyal na pagsusuri, lumalabas na mababa ang viral load ng pasyente o hindi ganoon karami ang MERS-Corona Virus sa katawan ng pasyente at posibleng gumaling na rin ito.

May walong naging close contact ang nasabing dayuhan at pito sa mga ito ay inoobserbahan na sa pamamagitan ng home quaratine, habang ang isa naman ay naka-isolate na rin sa RITM matapos na magkaroon ng ubo.

Tumanggi naman ang DOH na tukuyin ang pagkakakilalan ng naturang dayuhan maging ang petsa kung kailan ito dumating sa bansa.

Sa ngayon ay mahigpit na nagsasagawa ng contact tracing ang ahensya sa lahat ng mga nakasalamuha ng nasabing dayuhan na maaring nagkaroon rin ng sintomas ng MERS-CoV.

Muli namang nilinaw ng kagawaran na hindi madaling naihahawa ang MERS-CoV liban na lamang kung nagkaroon ng close contact sa taong apektado ng virus.

“Ipinapaalala po natin sa publiko na walang documented community transmission ang MERS, karaniwang nangyayari ang paghahawa sa loob ng hospital… transmission also occurs via repeated and close contact with a family member or a household companion,” dagdag pa ni Sec. Garin.

Samantala, inatasan na ni Pangulong Aquino ang DOH na lalong higpitan ang surveillance at quarantine measures at matiyak na naiuulat agad ng mga ospital sa kinauukulan ang mga pasyenteng nagpapakita na mga sintomas naturang sakit.

Umapela naman ang DOH sa ating mga kababayan at maging sa mga dayuhan na nagmumula sa mga bansang apektado ng MERS-CoV na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sakaling makaramdam ng mga sintomas ng virus.

Ito ang numero ng telepono na maaaring tawagan: 711-1001 at 711-1002.

Maari ring makipag-ugnayan sa mga cellphone numbers 0922-8841564, 0920-9498419 at 0915-7725621.

Sa tala ng DOH, ito na ang ikalawang kaso ng MERS-CoV na naitatala sa Pilipinas ngayong taon.

Sa kabila nito, tiniyak naman ng ahensya na ginagawa na nila ang lahat ng mga hakbang upang magamot ang nasabing pasyente, kaya’t walang dapat na pang ikabahala ang publiko. (JOAN NANO / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481