ZAMBOANGA, Philippines — Nakauwi na sa Zamboanga City pasado alas onse ng gabi ng Linggo, sakay ng multi-purpose attack aircraft ng Philippine Navy, si Russell Bagonoc, isang guro na dinukot ng mga hinihinalang myembro ng bandidong Abu Sayyaf group.
Ayon sa mga awtoridad, Linggo ng tanghali ay pinakawalan si Russel ng mga dumukot sa kanya sa Jolo, Sulu.
Dinala naman ito ng mga concerned citizen na nakakita sa kanya sa headquarters ng second brigade ng philippine marines sa naturang probinsya.
Matapos matingnan ang kalusugan ni Bagonoc ay agad itong isinailalim ng mga otoridad sa stress debriefing.
Ayon kay Russel, hindi niya nakita ang mukha ng mga dumukot sa kaniya dahil palaging may takip ang mukha ng mga ito at minsan naman ay nilalagyan ng piring ang kanyang mata.
Pahayag ni Admiral Reynaldo Yoma ng Naval Forces Western Mindanao, “Ang problema, hindi niya na-identify daw yung mga tao, naka-bonnet. Kung hindi man naka-bonnet ay siya ang nakapiring.”
Sinabi rin ni Teacher Russel na nakaranas sila ng pananakit mula sa mga dumukot sa kanila.
“Okay naman (ang naging pagtrato nila sa amin sa kabuuan), kaso may isang beses ba parang napagbuntunan ng galit kaming dalawa ng sister ko yung time na yun.”
Marso a-singko nang dukutin si Russel at kapatid nitong si Reynabeth Silvano ng mga armadong lalaki habang papasok sa paaralang kanilang pinagtuturuan sa Talusayan, Zamboanga Sibugay.
Noong mayo ay pinakawalan ang kanyang kapatid matapos umanong magbayad ng ransom ang kanilang pamilya.
Hindi naman masabi ni Russel kung nagbayad din ng ransom ang kanyang pamilya para sa kanyang kalayaan. (Dante Amento / UNTV News)