MANILA, Philippines — Matagal nang proyekto ang AFP Modernization Program. Nagsimula ito noong 1995 sa ilalim ng administrasyon ng dating Pangulong Fidel V. Ramos nang isabatas ang Republic Act 7898 o ang AFP Modernization Law.
Subalit 56 na bilyong piso lang ang nailaan para sa modernisasyon ng hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa target nitong 331 billion pesos sa loob ng 15 taon sa mga nakalipas na panunungkulan ng mga dating Pangulo Fidel Ramos, Joseph Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.
Ang dahilan ay ang kakulangan ng pondo bunga ng malalang krisis sa ekonomiya noon.
Siyamnapu’t isang proyekto ang nakumpleto ng AFP noon na ang karamihan ay nakasentro sa pagpapanatili ng seguridad sa loob ng bansa (rifle, radio, military vehicle, ambulance, helmet) at hindi nakabili ng mga kagamitan para sa external defense.
Nang abutan ang proyektong ito ni Pangulong Benigno Aquino III noong 2010, nagbigay ito ng 31 bilyong piso at nagsimulang bumili ng mga kagamitang pang depensa sa teritoryo.
Upang palawigin ang naunang batas ng AFP Modernization Law, ipinasa nito ang Republic Act 10349 o ang Revised AFP Modernization Program noong 2012 na layuning magdagdag ng panibagong 15 taon upang gawing moderno ang lahat ng sangay ng AFP mula 2013 hanggang 2028.
Ayon kay AFP Military Chief of Plans Major General Raul del Rosario, mas nabigyang-pansin ang AFP Modernization program sa ilalim ng administrasyong Aquino.
P9.7 billion na rin ang nailaang pondo noong 2014 para sa revised AFP Modernization Program.
“Tinalo po niya ang mga pangulong nauna sa kaniya… mas nararamdaman ang suporta ni Pangulong Aquino dito sa RA 10349 dahil ang mga focus ay acquisition ng ating mga equipment ay para sa territorial defense na,” ani MGen. Raul Del Rosario.
Ilan sa mga ready for acquisition na ng Department of National Defense ay 12 fighter aircrafts at ang walong combat utility helicopters.
Inaasahan na ring magkaroon ng dalawang bagong frigates at long-range patrol aircrafts ang AFP sa susunod na taon.
Subalit, sa kabila nito, nananatili pa ring mahina ang kakayahang pang depensa ng bansa sa mga panlabas na banta o external threats lalo na at papalala ang tensyon ng maritime dispute sa West Philippine Sea.
Dagdag pa ni Del Rosario, “Kulang pa kung tutuusin dahil ang talagang kinakailangan natin na sana kagamitan para sa West Philippine Sea ay unang-una yung long range patrol aircraft, surveillance radar at mga frigates.”
Ayon naman sa isang eksperto sa Law of the Sea, kung noon pa lang ay nagawa nang moderno ang kakayahang pang depensa ng bansa laban sa mga external security threats, maaari pa sanang napigilan ang massive reclamation activities ng China.
Pahayag ng director ng UP Institute for Maritime Affairs of the Law of the Sea na si Prof. Jay Batongbacal, “Kung sana maaari nating na prevent yung reclamation kung talagang from the very beginning, malakas pa rin yung ating pagposition at pagpatrolya sa area.” (ROSALIE COZ / UNTV News)