MANILA, Philippines — Pagkatanggap pa lamang ng study file ng awiting “Sa’Yo Lang Natagpuan” ng interpreter nitong si Maki Ricafort upang awitin sa A Song of Praise o ASOP Music Festival, nakitaan niya na ito ng potensyal na manalo.
Si Maki ay isang professional musician bukod sa pagiging singer nito.
Ani Ricafort,“ Yung recall, sobrang mabilis tandaan. Lyrics hindi mahirap kantahin. Gano’n kaya sabi ko, may pupuntahan ‘tong kantang ‘to.”
Nakita rin ang winning factor ang obra ng baguhang kompositor na si James Vincent Dizon ng mga huradong sina multi-awarded songwriter Jungee Marcelo, OPM hitmaker Rachel Alejandro at Doktor Musiko Mon del Rosario kaya’t pinili nila itong maging “song of the week” sa ikatlong linggo ng Hulyo.
Pahayag naman ng nanalong composer, “Lahat po ng nasabi nila sa’kin, mga comments nila, talagang, lahat ng mga sangkap na hinahanap ko para mapasarap ‘yung luto ng aking kanta… Grabe! Lahat na kulang na sangkap, binigay nila. Kaya ngayon sa monthly finals, gagawin ko lahat para mapasarap lalo ang aking kanta.”
Kasama rin sa naturang weekly round ang mala-bossa nova genre na “Our God is Love” ni Francisco Trance Jr. na inawit ng isa sa Luntayao Family Singers na si Remy Luntayao at ang ballad genre na “Ihahayag ko” ni Jimmy Jurado Jr. sa interpretasyon naman ng singing champion na si Rodante Boton.
Samantala, humanga naman sa galing ng mga entries na nakakapasok sa ASOP ang dating interpreter ng ASOP Year 3 Finals na ngayon ay hurado na si Rachel Alejandro.
Pahayag ni Ms. Rachel, “Mas masaya mag-judge… kasi siyempre parang relaxed ka lang and it’s so entertaining sa totoo lang na mapakinggan…”
Umaasa rin singer na sa tulong ng ASOP ay muling sisigla ang OPM sa bansa.
“Hopefully with the help of ASOP and other competitions such as this para ma-encourage uli… magkaroon ng revival ang OPM,” dagdag pa ni Rachel Alejandro. (ADJES CARREON / UNTV News)