MANILA, Philippines — Limang oras ang inabot ng meeting nitong Lunes ni Pres. Benigno Aquino III kay Senador Grace Poe ngunit walang naganap na commitment kung sino ang i-eendorso ng presidente.
Sa halip, kapwa sumang-ayon si Pangulong Aquino at Poe na dapat ituloy ang pagsusulong sa kapakanan ng mamamayan.
Ayon naman kay Senador Serge Osmeña III na dating campaign manager ni Presidente Aquino, sa kabila ng maraming meeting, si DILG Secretary Mar Roxas pa rin ang i-eendorso ni Pangulong Aquino.
Paliwanag ni Osmeña, hindi maaring walang kandidato ang Liberal Party (LP) na itinuturing na pinakamalaking partido sa bansa.
“I predict, prediction ko lang ito that PNoy will have to endorse Mar Roxas for president,” ani Sen. Serge.
Kasunod na rin ito ng pagkabigo ng Pangulo na kumbinsihin si Poe na maging ka-tandem ni Roxas sa 2016 elections sa ilalim ng LP.
Matatandaang patuloy na naninindigan si Senador Poe na mananatiling independent at mas nais nitong maging running mate si Senador Chiz Escudero.
Dagdag pa ni Osmeña “It seems to me PNoy did not get his wish that Grace run under the Liberal Party.”
Naniniwala naman si Osmeña na kahit na mahati pa ang boto dahil sa kapwa tatakbo sa pagka-presidente sina Roxas at Poe, di pa rin makikinabang si Vice President Jejomar Binay.”
Nakikita naman ni Osmeña na maaring gawing vice presidential candidate ng Partido Liberal sina Batangas Governor Vilma Santos-Recto at Congreswoman Leny Robredo.
Ngunit una ng sinabi ni Senador Ralph Recto na walang plano si Governor Vi na pasukin ang mataas na posisyon.
Nakikita rin ni Osmeña na malakas sa masa si Davao City Mayor Rodrigo Duterte dahil sa kanyang political will.
“I’ve also met Mayor Duterte and it is my judgment that he is going to be a very formidable candidate if he decides to run. Malakas siya… He will make the fight interesting, baka siya magiging Mayweather,” pahabol pa ng senador. (BRYAN DE PAZ / UNTV News)