MANILA, Philippines — Tinulungan ng UNTV News & Rescue Team ang isang lalaki matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang kotse sa south bound ng EDSA-Muñoz sa Quezon City bandang alas-onse y medya, Miyerkules ng gabi.
Nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at mukha ang biktimang si Ronel Dalanan, 45-anyos na residente ng Brgy. Commonwealth.
Nilapatan ng paunang lunas ang mga sugat nito at pagkatapos ay isinugod na sa ospital matapos rin nitong idaing ang pananakit ng kanyang kaliwang balakang.
Ayon naman sa driver ng kotse, papaliko na sana siya sa u-turn slot nang biglang bumangga ang motorsiklo sa likuran ng kanyang sasakyan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City Traffic Sector 6, posibleng nawalan ng kontrol ang motorcycle rider kaya ito sumalpok sa sinusundang kotse.
Sa ngayon ay dinala muna sa tanggapan ng QCPD traffic ang mga sasakyang sangkot sa insidente habang hindi pa natatapos ang imbestigasyon.
Samantala, sa bahagi naman ng Biñan, Laguna ay isang aksidente rin sa motorsiklo ang nirespondehan ng UNTV News and Rescue team, mag-a-alas-dose ng gabi.
Kwento ng biktimang si Eduard Tero, pauwi na sana siya sa San Pedro, Laguna mula sa trabaho bilang karitero nang madulas ang gulong ng kanyang motorsiklo dahil sa basang kalsada dulot ng pag-ulan.
Bagaman wala siyang tinamong anumang galos sa katawan dahil sa suot niyang makapal na jacket at helmet, isinailalim pa rin siya sa physical assessment ng rescue team at kinuhanan ng blood pressure.
Salaysay ni Tero, “Dito nga po. Nadulas ho ako rito, natumba po ako. Di ko na mapigilan namreno na ko medyo madulas dito.
Tumanggi na siyang magpadala sa ospital at sa halip ay nagpatulong na lamang na maihatid ang dala niyang dalawang sakong puno ng sobre dahil nasira na ang preno ng kanyang motorsiklo. (UNTV News)