LAGUNA, Philippines — Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang nangyaring aksidente sa national highway sa Barangay Balibago, Sta. Rosa, Laguna.
Nilapatan ng paunang lunas ng rescue team ang tinamong sugat at pasa sa mata at pagdurugo ng ilong ng biktimang si Jolito Sabilala, 35-anyos.
Ayon sa ilang nakakita sa pangyayari, nagbibisikleta ang lalaki pasado alas-9 ng gabi ng Huwebes nang mabangga ito ng isang rumaragasang pampasaherong jeep.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima saka bumagsak sa semento.
Pahayag ng traffic law enforcer na si Marinas, “Yung PUJ, nagmamadali siya dire-direcho na inignore niya yung nabangga nilang sasakyan o bisikleta, parang nakainom eh.
Hindi naman nila nakuha ang plaka ng jeep na agad ring tumakas.
Matapos lapatan ng first aid ay dinala ng rescue team sa community hospital ang biktima.
Sa bahagi naman ng Davao City, nirespondehan rin ng UNTV News and Rescue Team ang nangyaring banggaan ng tatlong sasakyan.
Dalawa ang nasaktan sa insidente ngunit hindi naman sila nagtamo ng malubhang injury maliban sa bukol sa ulo, pananakit ng balikat at leeg dahil sa lakas ng pagkakabangga.
Isa sa mga ito ang nilapatan ng paunang lunas ng UNTV News & Rescue Team na kinilalang si Anne Melisse Leuterio.
Inassess ng grupo ang kanyang kondisyon at inalam ang kanyang blood pressure. Pagkatapos ay dinala na siya sa ospital para sa karagdagang check-up.
Ang isa pang nasaktan sa insidente ay tinulungan naman ng Davao Rescue 911.
Ayon sa nakakita sa insidente at kapitan ng barangay na si Roderico Ilubit, unang nabangga ng kotseng pula ang sasakyang itim ni Leuterio at nadamay lang sa insidente ang isa pang sasakyan na nakaparada lang sa lugar.
Sa ngayon ay patuloy nang iniimbestigahan ang posibleng pananagutan ng mga nasangkot sa insidente. (SHERWIN CULUBONG / UNTV News)