MAKATI CITY, Philippines — Sa pamamagitan ng UNTV Drone makikita ang mga senaryong isinagawa Metro Manila Shake Drill sa Ayala Center, Makati nitong araw ng Huwebes.
Nagtatakbuhan ang mga tao, ang ilan ay sugatan at nagkaroon rin ng sunog.
Dumating agad ang Bureau of Fire Protection, Makati Fire Truck, Philippine Red Cross at mga kawani ng MMDA.
Nagpamalas ng high-angle rescue operations ang mga nabanggit na ahensya ng pamahalaan para sa ilang biktimang nakulong sa nasusunog na gusali dahil sa lindol.
Binigyan ng paunang lunas ang mga sugatang biktima.
Naglagay ng incident command post at media area malapit sa parkway drive.
Mataas na grado at assesment ang ibinigay nina MMDA Chairman Francis Tolentino at acting Mayor Romulo Kid Peña sa ginawang operasyon sa quake drill.
“Over-all sa nakita ko sa aerial, 1 to 10 siguro 8.5… But, so far, yung awareness, yung participation, yung enthusiasm, yung coordination (ay) nandoon,” pahayag ni Chairman Tolentino.
Hindi rin inaasahan ni Tolentino na umabot sa mahigit isang milyon ang nagparehistro upang mag-volunteer sa Metro Manila Shake Drill.
“Kanina 1 million, seventy nine thousand na eh. Sobra sobra na sa isang milyon eh. Yun yung nag-volunteer sa amin pero yung unregistered yung nasa Tondo, nasa Paranaque, andami.”
Ani Makati City Acting Mayor Kid Peña, “Very satisfactory, well-prepared at saka lahat ay nagkaroon ng coordination.”
Ayon naman kay Makati-Ayala Land Crisis Management Head Manny Blas, anuman ang mga pagkukulang kanina ay leksyon para sa kanila.
“Generally, the communications was on going but there were lapses, I can’t imagine in the real situation, I think those lapses are going to be our challenge,” ani Blas.
Umaasa ang pamahalaan ng Makati na magkakaroon pa ng isa pang drill upang magroon ng ibayong paghahanda ang lungsod sa pagtama ng ‘The Big One’. (BRYAN DE PAZ / UNTV News)