Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

VP Binay, sinabing drama lang at tanda ang pagpa-panic ng administrasyon ang pag-endorso kay Roxas

$
0
0

Ang pag-endorso ni Pangulong Beningo Aquino III kay DILG Secretary Mar Roxas bilang opisyal na kandidation ng administrasyon para sa 2016 presidential election. (PHOTOVILLE International)

CAVITE, Philippines — Tila round two ng tunggaliang Binay at Roxas ang aabangan sa 2016 elections ngayong pormal nang inendorso ni Pangulong Benigno Aquino III ang kandidatura sa pagka-pangulo ni DILG Sec. Mar Roxas.

Magugunitang noong 2010 elections, una nang nagkalaban ang dalawa sa vice presidential race ngunit hindi nanalo si Roxas.

Nasa Cavite si Vice President Jejomar Binay nang ianunsyo si Roxas bilang standard bearer ng Liberal Party at para sa kanya, drama lang at tanda ito ng pagpa-panic ng administrasyon.

Ayon kay Binay, natatak na sa isip ng mga tao na dati na niyang tinalo si Roxas.

“Pinatitingkad lamang na si Jojo Binay ay kandidato sa pagka-Pangulo, dahil magkakaroon ng comparison, eh.”

Tinuligsa rin ni Binay ang di umano’y mga kapalpakan ni Roxas sa mga hinawakan nitong ahensiya sa pamahalaan gaya ng DOTC na hindi naman naresolba ang problema sa MRT; pati na ang housing programs nito sa DILG.

“Grabe, bilyon bilyon yung paghahanda sa halalan yung trabaho ng housing yung sector namin binigay pa kay Secretary Roxas wala namn departamento, ni tao yun para mangasiwa sa housing,” ani Binay.

Sinabi rin ng kaalyado ni Binay na si Buhay Party-list Rep. Lito Atienza na hindi naman nasugpo ang problema sa iligal na droga at peace and order sa bansa nang italaga si Roxas bilang kalihim ng DILG.

Ani Atienza, “Dapat lang na siya ang kumandidato dahil siya naman ang may kasalanan sa paghihirap natin ngayon, eh. I mention the MRT problem the PNR problem the peace and order problem lahat ng ito ang may kasalanan si Mar Roxas.”

Naniniwala naman si Manila Mayor Joseph Estrada sa talino at kakayahan ni Secretary Mar Roxas.

Si Roxas ay dating naging miyembro ng gabinete ni Estrada noong siya pa ang pangulo ng Pilipinas.

Bukod kay Sen. Grace Poe o Vice President Jejomar Binay, nagpahiwatig naman si Estrada na bukas din siya sa posibilidad na ang kandidatura ni Roxas ang kaniyang susuportahan.

Ani Mayor President Erap, “Minsan, even your relationship you forget it for the cause of the greater good of the majority… yung last solution diyan is who is the candidate who can better solve the problem of the country.”

Samantala, sinabi naman ni VP Binay na kaya hindi pa inilalantad ang senatorial line-up ng United Nationalist Alliance party ay upang huwag itong maintriga at masampahan ng iba’t-ibang kaso.

Sa ngayon, tanging si Parañaque Councilor Alma Moreno at Princess Jaycel Kiram ng Sabah pa lamang ang siguradong tatakbo sa pagka-senador sa ilalim ng UNA banner.

Naka-hanay rin si Atty. Harry Roque bilang party-list representative bukod kay Atienza.

Ngayong pormal nang inendorso ni Pangulong Aquino si DILG Sec. Mar Roxas bilang standard bearer ng Liberal Party, ang inaabangan ngayon ay kung sino ang magiging running mate nina Binay at Roxas sa 2016 elections. (SHERWIN CULUBONG / UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481