QUEZON CITY, Philippines — Ipinahayag ni AFP Chief of Staff Gen. Hernando Iriberri na maituturing na tagumpay laban sa terorismo ang focused military operations na isinasagawa ng Joint Task Group Sulu laban sa bandidong grupong Abu Sayyaf.
Bumilang na sa 29 ang napaslang na Abu Sayyaf samantalang higit sa 20 naman ang naitalang sugatan.
Kinilala naman ni Gen. Iriberri ang effort na ginagawa ng mga tropa ng militar sa Sulu sa pangunguna ni Brig. Gen. Allan Arrojado.
Nagpasalamat din ito sa tulong ng mga sibilyan sa pagbibigay ng impormasyon laban sa Abu Sayyaf.
Ani Iriberri, pinagbilinan din niya ang mga sundalo duon na ipagpatuloy ang pagtugis sa bandidong grupo.
Nakatakas noong nakalipas na linggo ang dalawang bihag na tauhan Philippine Coast Guard matapos na habulin ng mga militar ang mga Abu Sayyaf sa Indanan, Sulu.
Binigyang-diin naman ng heneral na patuloy ang pagsasagawa ng focused military operations laban sa iba pang grupong security threats tulad ng New People’s Army at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF. (ROSALIE COZ / UNTV News)
The post Bilang ng napaslang na Abu Sayyaf sa Sulu, umakyat na sa 29 appeared first on UNTV News.