Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Signature campaign, inilunsad upang himukin si Rep. Robredo na tumakbo bilang VP ni Roxas

$
0
0
Signature campaign para kay Congressman Leni Robredo sa pagiging running mate ni Sec. Mar Roxas sa 2016. (UNTV News)

Signature campaign para kay Congressman Leni Robredo sa pagiging running mate ni Sec. Mar Roxas sa 2016. (UNTV News)

MANILA, Philippines — Sa kabila ng naging pahayag ni Camarines Sur Representative Leni Robredo na hindi pa siya handa na tumakbo sa mas mataas na posisyon, buo naman ang tiwala ng iba’t-iba grupo sa kanyang kakayahan at kwalipikasyon.

Nitong Martes ay inilunsad ng Leni Robredo for Vice President Movement at ng iba’t-ibang samahan ng maralitang taga-lungsod ang signature campaign upang kumbinsihin si Robredo na tumakbo bilang bise presidente.

Isang milyong pirma ang target na makalap upang mahimok ang kongresista na maging running mate ni DILG Sec. Mar Roxas na pambato ng Partido Liberal.

Ayon kay dating Congressman Erin Tañada, si Robredo ang nakikita nilang karapat-dapat na maging katuwang ni Roxas upang ituloy ang mga adhikain ng daang matuwid ng administrasyong Aquino.

“Kung titingnan natin, ano ba ang batayang prinsipyo ng administrasyon ngayon? People’s participation, people empowerment. At kung titingnan natin yung mga batas at paninindigan ni Congresswoman Leni sa kanyang pagiging congresswoman sa Camarines Sur, sa Naga, eh ito rin ang ginagawa niya sa kanyang distrito. So, kung naghahanap tayo, naghahanap si Pangulong Noynoy, naghahanap si Sec. Mar kung sino ang magpapatuloy rin bilang pangalawang pangulo sa tuwid na daan, sa tingin namin si Congresswoman Leni na ito,” pahayag ni former Deputy House Speaker Atty. Erin Tañada.

Para naman sa isang grupo ng maralitang taga-lungsod, suportado nila si Robredo dahil sa pagiging tapat at mabait nito at wala itong bahid ng katiwalian.

“Si Leni ay isang napakabait na maybahay, mabait na congresswoman, may isa siyang salita, kapag siya ay nilapitan mo makikinig sayo. Siya talaga ay marunong makinig… sinusuri niya, ina-analyse niya at kung mayroon siyang magagawa sasabihin niya. Pag hindi niya kaya, sasabihin din niya at maghahanap ng solusyon kung paano,” ani Alice Murphy, coordinator ng Urban Poor Associates.

“Una nang sinabi ni Robredo na sa tingin niya ay kulang pa siya ng karanasan upang tumakbo sa mas mataas na posisyon.

Ngunit para sa kanyang mga taga-suporta, may sapat itong karanasan sa paglilingkod at pakikisalamuha sa kanyang nasasakupan.

Bagama’t tatlong taon pa lamang sa kongreso si Robredo nasaksihan naman nito ang pamamalakad ng kanyang yumaong asawang si DILG Sec. Jesse Robredo na nanungkulan bilang alkalde ng Naga City sa loob ng labing walong taon.

Dagdag pa ni Atty. Tañada, “Alam natin na may karanasan siya kung paano makipag-ugnayan sa iba’t-ibang sektor ng ating bansa na tingin namin yan ang isang importante na bahagi ng pagiging isang lingkod bayan. Nakikita nga ninyo sa iba’t-ibang social media, parati niyang kinokonsulta yung mga barangay captains.”

Pahabol pa ni Murphy ukol kay Cong. Leni, “Tingin naming, di kulang ang karanasan niya kasi 18 years niyang sinubaybayan ang galaw ng kanyang asawa na si Sec. Jesse Robredo at siya rin ay napabilang sa hanay ng mga NGO, so, alam niya kung paano talaga magpatakbo ng isang programa. Kaya nga kinukumbinsi namin siya na para sa bayan, kailangan magkaroon ng mga kandidatong kagaya niya.”

Tatagal ang signature campaign hanggang sa buwan ng Oktubre bago ang filing ng certificate of candidacy.

Magkakaroon din ng online petition at kampanya sa pamamagitan ng social media.

Ayon pa kay dating Congressman Tañada, isusulong niya ang nominasyon ni Robredo bilang bise presidente sa nalalapit na pulong ng Liberal Party. (RODERIC MENDOZA / UNTV News)

The post Signature campaign, inilunsad upang himukin si Rep. Robredo na tumakbo bilang VP ni Roxas appeared first on UNTV News.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481