BULACAN, Philippines — Nirespondehan ng UNTV News and Rescue team ang isang aksidente sa Barangay Sta. Clara, Sta. Maria, Bulacan pasado alas-dose nitong madaling-araw ng Miyerkules.
Nadatnan ng grupo ang driver ng tricycle na si Eric Mise habang iniinda ang tinamong mga sugat sa katawan at pananakit ng ulo dahil sa lakas ng pagkakabangga sa isang motorsiklo na minamaneho naman ni Ariel Pasikan.
Si Pasikan naman ay nagtamo rin ng mga sugat at galos sa katawan at pananakit ng dibdib. Muntik pa itong magulungan ng kasunod na dump truck matapos siyang tumalsik sa kalsada.
Agad namang nilapatan ng paunang lunas ng UNTV Rescue ang mga tinamong pinsala ng dalawang driver.
Ayon kay Mise, “Papila na po ako sa pilahan po namin sa Walter po, bigla pong dumating yung single (motorcycle) eto po yung tricycle ko. Bigla po akong binangga ng single galing Guyong… napakatulin po ng takbo nya.”
Ayon naman sa driver ng motorsiklo, pauwi na siya ng bahay nang mawalan siya ng kontrol sa manibela.
Dagdag pa ng driver na si Ariel Pasikan, “Papasok na sana ako papuntang sagad, nagkasalungat kami ng tricycle doon ako nabangga kasi di ko akalain na deretso sya… sa malaking dumptruck doon ako nailalim ng gulong buti nga bigla syang huminto.”
Tumanggi nang magpahatid sa ospital ang dalawa. Nag-usap na rin sila hinggil sa pagpapa-ayos sa tinamong danyos sa kanilang mga sasakyan. (NESTOR TORRES / UNTV News)
The post Dalawang nasugatan sa banggaan ng tricycle at motorsiklo sa Bulacan, tinulungan ng UNTV News & Rescue appeared first on UNTV News.