MANILA, Philippines – Grand finalist na ang awiting “Salamat sa Iyo” matapos itong tanghaling panghuling “song of the month” ng A Song of Praise o ASOP Music Festival, Linggo, Agosto 25, 2013.
Labis na ikinatuwa ng kompositor ng naturang awit na si Wilfredo Zabala at maging ang interpreter na si Eva Castillo ang pagkapanalo dahil sa mga pinagdaanan nito.
“Talagang hindi ko po inaasahan. Talagang masayang masaya po ako dahil hindi ko po inaasahan na mananalo po ako, kumabaga nakuha din po sa pilit. Salamat sa Dios,” masayang pahayag ni Wilfredo.
“Siguro dala ng humingi talaga ako sa Kanya ng awa. Sige na po ipasok nyo na po ako sa finals, parang ganun. Tapos at the same time po si baby po may sakit, parang sinasama ko na yung dasal ko dun sa kanta ko na para gumaling sya,’ anang magaling na singer.
Samantala, naging hudyat naman ang pagkapanalo ng awiting “Salamat sa Iyo” sa pagsisimula ng pagboto sa pamamagitan ng text sa labindalawang entries ng ASOP Year 2 finals.
Ang mga makukuhang boto sa text ay magiging bahagi ng score ng mga naturang entry para tanghaling “song of the year”.
Maaari nang bumoto ngayon ng ilang beses sa inyong paboritong awitin bago ang naturang grand finals night sa September 9. (Adjes Carreon / Ruth Navales, UNTV News)